EDITORYAL - Laging magsagawa ng earthquake drills

MAG-IISANG buwan na ang nakalilipas mula nang mangyari ang malakas na lindol (7.0 mag­nitude) sa Haiti. Nakauwi na ang karamihan sa mga Pinoy na nakaligtas sa lindol at naiuwi na rin ang mga bangkay ng peacekeepers na nabiktima sa pagguho. Mahigit 200,000 katao ang pinanini­wala­ang namatay sa Haiti. Halos lahat ng gusali roon ay bumagsak. Karamihan sa mga nakaligtas na Pinoy ay nagsasabing ikalawang buhay na nila ito sa­pagkat hindi nila akalaing makaliligtas sa grabeng lakas na lindol. Hindi raw nila malaman ang gaga-win nang lumindol nang hapong iyon ng January 12. Sa isang iglap ay naguho ang mga building at nata­bunan ang mga tao.

Ang nangyaring lindol sa Haiti ay posibleng mang­yari rito sa Pilipinas. Sa katunayan nagkaroon na nang malakas na paglindol noong July 16, 1990 kung saan ay 1,200 katao ang namatay. Naguho ang Hyatt Terraces sa Baguio City at maraming natabu­nan. Grabeng tinamaan ang Baguio, Pangasinan at iba pang bayan sa Central Luzon.

Sinasabing kaya maraming namatay sa Haiti ay sapagkat hindi nakahanda ang mamamayan doon sa pagdating ng lindol. Walang preparasyon kaya nang yumanig ay nagpanic at nagtakbuhan kaya marami ang naipit nang bumagsak ang mga haligi at flooring ng building. Sa halip na humanap ng mesang pagtataguan para maprotektahan ang ulo at katawan ay nagtakbuhan. Marami ang naipit ng konkretong haligi at natabunan ng mga tipak ng konkretong flooring ng gusali.

Kung magkakaroon ng lindol dito, na posibleng mangyari sapagkat sunud-sunod ang mga pagyanig na nararamdaman sa mga lugar ng Bicol, Ilocos Norte, Baguio, Pangasinan, Surigao, Occidental Min­doro, maaaring marami ang makaligtas sapagkat may mga earthquake drills namang ginagawa. May mga paaralan na laging sinasanay ang mga bata sakali’t magkaroon ng lindol.

Pero para sa amin, hindi pa sapat ang mga drills at dapat pang isagawa nang madalas para lubusang mapaghandaan ang lindol na tatama. Mas mabuti na ang laging nakahanda kaysa naman matulad sa Haiti na pinadapa ang kabuhayan at pumatay ng daang libong katao. Dagdagan pa ang earthquake drills.

Show comments