Hindi nagtiwala sa korte
KASO ito tungkol sa 6,299,179 shares of stock sa PCIB na pag-aari ng FPHC hanggang sa ibenta sa TMEE, isang kompanyang pag-aari ng bayaw ni Marcos na si Kokoy Romualdez. Ibinenta ang shares noong Mayo 24, 1984.
Ang shares na ito ay itinuturing na kasama sa “sequestered assets” o mga kayamanan na kinamkam ni Romualdez sa loob ng 20 taon na panunungkulan ni Marcos. Hinahabol ito ng PCGG at katunayan, nakabinbin ang kaso (Case No. 0035) sa Sandiganbayan.
Noong Disyembre 28, 1988, nagsampa ng kaso (complaint-in-intervention) ang FPHC upang sumali sa paghahabol sa nasabing shares. Ayon sa reklamo, tau-tauhan lang o “dummy board” ang pumayag sa pagbebenta ng mga shares. Dinaya raw ang kompanya at namanipula lamang ito ni Romualdez at ng kanyang mga galamay.
Nagsumite naman ng mosyon ang TMEE upang hi-ngin sa korte na ibasura ang kaso ng FPHC. Ayon sa TMEE, alinsunod daw sa batas (Article 1391 Civil Code) ay may apat na taon lang ang FPHC upang maghabol sa kaso magmula ng magkabentahan noong Mayo 24, 1984 o hanggang Mayo 24, 1988. Paso na ang reklamo ng kompanya dahil mahigit na sa pitong buwan ng matapos ang karapatan nila sa pagsasampa ng kaso nang isam-pa ito noong Disyembre 28, 1988.
Katwiran naman ng FPHC, sa umpisa pa lang ay wala na raw bisa ang transaksiyon na inaprubahan ng “dummy board” kaya’t hindi raw nawalan ng karapatan ang kompanya na maghabol. Isa pa, kahit pa ayon sa batas ay binibigyan lang ang kompanya ng apat na taon upang maghabol sa kaso, ang nasabing apat na taon ay dapat bilangin magmula Pebrero 26, 1986 kung kailan natang-gal sa kapangyarihan si Marcos. Noon lang daw kasi natigil ang pananakot at karahasan na nakaamba sa FPHC. Tama ba ang FPHC?
Mali po. Ang pinipilit ng FPHC na dapat na ang ugat na dahilan sa pagkawala ng bisa ng bentahan sa simula’t sapul ay ang pandaraya na ginamit. Ayon sa ating batas (Article 1390 [2] Civil Code), hindi awtomatikong walang bisa ang mga kontratang tulad nito. Legal pa rin ang kontrata at maipapawalang-bisa lamang dahil sa nagkaroon ng pandaraya. Ang apat na taong palugit upang maghabol alinsunod sa batas (Article 1391) ay mula sa pagkakadiskubre ng pandaraya.
Argumento ng FPHC, ang apat na taong palugit ay dapat bilangin magmula Pebrero 24, 1986 kung kailan natigil na daw ang pananakot at karahasan na naka- amba sa kompanya. Hindi kapani-paniwala ang argumento ng kompanya dahil hindi naman ang pananakot at karahasan ang dahilan ng pagpapawalang-bisa ng bentahan kundi ang sinasabing pandaraya na ginawa ng TMEE. Hindi itinanggi ng FPHC na alam na nito ang nangyaring pandaraya magmula pa noong Mayo 24, 1984 kung kailan nagkapirmahan ng kontrata.
Kung totoo nga ito, dapat ay gumawa man lang ng paraan ang FPHC upang habulin ang karapatan nila sa shares ng PCIB. Imbes na magsampa agad ng rekla mo sa korte, parang itinuturing pa ng FPHC na walang mangyayari at wala silang tiwala sa ating korte. Taliwas ito sa dapat ikilos ng isang taong naniniwala na may karapatan siyang dapat ipagtanggol.
Hindi sapat na dahilan ang sabihin na wala siyang tiwala sa ating hukuman para balewalain natin ang apat na taong palugit na idinidikta ng batas (First Philippine Holdings vs. Trans Middle East Equities, G.R. 179505, December 4, 2009).
- Latest
- Trending