Paglabag sa batas inamin ng admin
ANG isda ay nahuhuli sa bunganga. At huli na naman ang Arroyo admin, umaamin na walang pakialam sa Konstitusyon. Nabisto ito nang aminin ni presidential spokesman Gary Olivar na walang ginawa ang Malacañang laban sa bayolenteng Ampatuan clan kundi balaan si Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu na huwag nang lumaban sa pagka-governor ng Maguindanao.
Nu’ng Miyerkoles tumestigo si Mangudadatu sa paglilitis ng Maguindanao massacre kung saan pinaslang ang kanyang asawa, dalawang kapatid na babae, tiyahin, mga abogada, at 30 mamamahayag. Ginunita niya na binalaan siya ni noo’y defense secretary, ngayo’y Lakas-Kampi admin presidential candidate Gilbert Teodoro, nu’ng Oktubre 2009 na huwag nang banggain ang bayolenteng angkan. Gan’un din, sumpa niya, ang payo ni Lakas-Kampi spokesman at dating kongresista Prospero Pichay. Dagdag pa niya, sinikap ni presidential political adviser Gabby Claudio na pagsanibin sila ni Andal Ampatuan Sr. At nang umangal siya kay Gloria Arroyo mismo tungkol sa pagdis-arma ng militar sa pulisya ng kapatid niyang mayor, sa utos ni Governor Ampatuan, ipinasoli lang ang armas at wala nang ibang ginawa ang Pangulo.
Malinaw ng paglabag ito sa Konstitusyon. Bakit, ika niyo? Kasi sumumpa si Arroyo ng nakasaad sa Article 7, Section 5, para sa Pangulo, na ipatutupad niya ito at maglalapat ng hustisya sa lahat. At ano ang mga dapat niyang ipatupad na laman ng Konstitusyon? Una, Art. 2, Sec. 5: ipatupad ang kaayusan, at ipagtanggol ang buhay, kalayaan at ari-arian ng mamamayan. Ikalawa, Art. XVI, Sec. 5-3: Ilayo ang Sandatahang Lakas sa partisan politics. Ikatlo, Art. XVIII, Sec. 24, gibain lahat ng private armies.
Hindi ginampanan ni Arroyo at mga tauhan niyang sibilyan at militar ang kanilang tungkulin. Dapat silang papanagutin sa pagkamatay ng 57 sa kamay ng private army sa Maguindanao.
- Latest
- Trending