IMBES na makatulong ang Magdalo eh, nakapupurnada pa sila sa extension ni AFP chief Gen. Victor Ibrado. Ang Magdalo ay grupo na hinihikayat si Presidente Arroyo na i-extend ang termino ni Ibrado, na magreretiro na sa Marso 10. Pero sa tingin ng mga kausap ko sa hanay ng militar, hindi nakakatulong sa pagpasulong ng extension ni Ibrado ang Magdalo imbes nakakasira lang. Ang Magdalo ang nasa likod ng madugong Oakwood munity kung saan kamuntik nang mawala sa trono niya si GMA. Sila ay inakusahan din sa likod ng pag-ukupa ng Manila Pen sa Makati City at iba pang hakbangin laban sa gobyerno ni GMA nga. Sa tingin ng mga kausap ko, si Ibrado ang nasaksak ng Magdalo sa dibdib at hindi ang kampo ng PMA Class 77 o 78. Dahil tinitiyak nila, na hindi naman sira-ulo si GMA para sundin ang kagustuhan ng Magdalo. Kapag na-extend ni GMA si Ibrado, ibig sabihin niyan napremyuhan pa niya ang mga junior officers na dating kumalaban sa kanyang gobyerno.
Alam naman ng Magdalo na si GMA lamang ang may karapatang pumili ng AFP chief at lahat ng senior officer ng military ay kandidato, katulad ni Army Chief Lt. Gen. Delfin Bangit na very competent at qualified sa puwesto. Sa tingin ng mga kausap ko sisikapin ni GMA na gamitin ang kanyang tamang judgment para pumili ng kapalit ni Ibrado, di ba Lt. Gen. Rodrigo Maclang, AFP deputy chief of staff? Si Maclang ang isa sa mga nakangiti sa ngayon dahil sa pag-endorso ng Magdalo dito sa extension ni Ibrado. Ang Magdalo ay nag-iilusyon pa na marami silang tagasunod sa militar. Pero sa katotohanan laos na sila at ang mga misadventures nila ay nag-iwan ng dirty stain sa history ng military establishment. Ayon sa mga kausap ko sa military “Magdalo has no right, nor the moral leverage to comment, much more demand Gen. Ibrado’s extension,” Kanya-kanyang pakulo lang ‘yan, di ba mga suki?
Kung sabagay tama si dating AFP chief ret. Gen. Hermogenes Esperon ng sabihin niyang ang extension ni Ibrado ay makakasira lang sa mga “system at procedures” ng AFP. Kasama na diyan ang “career paths of those in line of succession, not only for chief of staff, but also for other vacancies to be created as a result of Gen. Ibrado’s retirement.”
Sa katotohanan lang, tapos na ang panahon na ang AFP ay pagagamit sa partisan politics na laganap noong mga nakaraang elections. “The military is a very professional organization with competent line of succession. All those in the current list of probable replacements, inclu-ding Lt. Gen. Bangit, are generals very competent and capable to lead the AFP,” anang kausap ko.