NAGHAHANDA na sa college graduation ang binata. Ilang buwan na niyang hinahangaan ang magarang sports car sa showroom ng dealer. At dahil alam niyang kayang bilhin ‘yon ng ama niya, sinabi niya sa kanya na ‘yon lang ang gusto niyang graduation gift.
Habang papalapit ang Graduation Day pinakiramdaman ng binata kung binili na nga ng ama ang sports car. At nu’ng umaga ng graduation, pinatawag siya ng ama sa private study. Sinabi agad ng ama kung gaano siya kasaya na magkaroon ng matalinong anak na mahal na mahal niya. At saka niya iniabot ang regalong naka-gift bag.
Nagtataka at medyo masama ang loob na binuksan ng binata ang gift bag. Nasilip niya ang Bibliya na nakabalot sa leather. Galit, nagtaas ng boses ang binata sa ama at winika: “Sa dami ng pera mo, Bibliya lang ang ibibigay mo sa akin?” Lumayas siya ng bahay, iniwan ang Banal na Aklat.
Lumipas ang maraming taon. Naging matagumpay ang anak sa negosyo. May malaking bahay at masayang pamilya siya. Pero naaalala niya ang ama na matanda na. Hindi na sila nagkita mula nu’ng mapait na Graduation Day.
Nagpaplano pa lang bumisita ang anak nang makatanggap ng telegrama. Namatay pala ang ama, at iniwan lahat ng ari-arian sa kanya. Kailangan niya umuwi agad para asikasuhin ang mana.
Nang dumating siya sa lumang bahay, napansin niyang gan’un pa rin ang hitsura, at lahat ay nasa dating lugar. Naroon pa nga rin ang regalong Bibliya sa mesa sa private study. Malungkot at nagsisising dinampot ito ng anak, at binuksan. May biglang nalaglag na susi mula sa sobre na naka-tape sa back cover na leather. Nakatatak sa sobre ang pamilyar na pangalan ng car dealership, at nakasulat na “fully paid.”
Binili pala talaga ng ama ang regalong kotse. Kaya lang, tulad ng marami sa atin, hindi nabatid ng anak ang biyaya dahil ang packaging nito ay iba sa nakatanim sa isip.