IBANG klaseng ina si Marlene Aguilar-Pollard sa lahat na aking nakilala. Sa halip na makipagtulungan sa ating kapulisan at mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na isuko ang anak na si Jason Ivler, nagawa pa niyang pagtakpan at itago. Kaya nagkaroon ng madugong enkuwentro at nalagay sa bingit ng kamatayan ang kanyang sariling anak matapos makorner ng NBI sa kanyang tahanan sa #23 Hillside Avenue, Blue Ridge Subdivision, Quezon City. Halatang hindi magpapahuli ng buhay si Ivler dahil bihasang makipagdigma. Dati palang US army si Ivler at napalaban na sa Iraq. Ngunit nagkamali siya dahil mas higit na bihasa ang NBI sa pakikipagsagupa sa mga kriminal.
Nag-ugat ang pagtatago ni Ivler nang barilin niya at mapatay ang anak ni Presidential Chief of Staff Undersecretary Renato Ebarle Sr., na si Renato Ebarle Jr. sa simpleng traffic altercation sa kahabaan ng Boni Serrano Street corner Ortigas Avenue, Quezon City. Mula noon hindi na siya mahagilap ng mga pulis at NBI matapos kalingain ng kanyang ina na si Marlene. Todo patutsada pa nga si Marlene sa pagtanggi sa kinaroroonan ng kanyang anak. Sinabi nitong nasa Hawaii na si Ivler
Kung nalusutan man ni Ivler noong 2004 ang kasong pagpatay kay Presidential Adviser Nestor Ponce, ngayon ay hindi na dahil may nagnguso sa kanya. May patong na P1-milyon ang makapagtuturo sa kanya. Ipinagkanulo si Ivler ng mga pinalayas na tatlong katulong.
Nalagay sa panganib ang buhay nina Atty. Lito Magno, hepe ng Special Action Unit (SAU) at Special Investigator Anna Lira Labao nang madaplisan ng bala.
Kinasuhan si Marlene ng obstruction of justice at kinulong sa NBI. Kinabukasan, nakapagpiyansa siya ng P12,000.
Sa pagtatago ni Marlene sa anak, tama ang kasabihang: “Kayang tiisin ng anak ang ina subalit hindi kayang tikisin ng ina ang anak”.
Abangan ang magiging kapalaran ni Ivler. Ayon sa mga nakausap ko, humihingi ng tulong si Marlene sa US para sa anak.