SERYOSO ang pangangampanya ngayon ni dating Parañaque Mayor Joey Marquez kaugnay ng planong maging alkalde muli ng lungsod.
Nakarinig daw siya ng “tinig sa itaas” na nagsasabing muli siyang magsilbi bilang punong-lungsod.
Maraming napataas ang kilay at napakamot-ulo. Kasama na riyan ang barbero kong si Mang Gustin na maraming kamag-anak sa Parañaque. “Eh bakit naman mukhang dismayado ka” – tanong ko kay Gustin.
“Eh papaano, may lakas pa ng loob si Tsong na tumakbo muli matapos ang mahabang panahong palpak na pagpapatakbo sa lungsod,” ang walang gatol na sagot niya.
“Baka naman kuro-kuro mo lang iyan Gustin” sabi ko. Dito’y inisa-isa ni Gustin ang mga umano’y kapalpakan ni Tsong nang Mayor pa ng Parañaque. Aniya “sa panahon niya bilang mayor, on record ang pagka-bangkarote ng lungsod bukod pa ang mahabang listahan ng mga anomalya.”
Ani Gustin, “sino ang makakalimot sa umano’y P6 milyong textbook scam; overpricing sa pagbili ng walis-tingting na umabot sa halagang P2.9 milyon; at pagkalugi ng siyudad noong nag-perform sa lungsod ang yumaong si Michael Jackson.”
Ang mga kasong ito’y nakasampa pa sa hukuman at di pa nareresolba.
Payo ni Mang Gustin, antayin na lang ni Tsong na maabsuwelto sa mga kasong ito upang makaharap sa mamamayan na malinis ang pangalan.
Oo nga. May katuwiran ang barbero ko.