Hindi ba lahat tayo nangangailangan?
NAKAPARADA ako sa mall, pinupunasan ang windshield ng kotse at hinihintay si misis lumabas. Napansin kong papalapit ang isang ika nga’y “hampaslupa”. Sa hitsura lang, alam agad na wala siyang kotse, walang tirahan, walang malinis na damit, walang pera. May araw na pakiramdam mo’ng magkawang-gawa, pero may araw din na ayaw mo maistorbo. Sana hindi niya ako hingan ng pera, naisip ko. Hindi nga. Naupo lang siya sa bangketa tapat ng bus stop, halatang walang pamasahe. Paglipas ng ilang minuto, nagsalita: “Maganda ang kotse mo.” Madungis siya, ngunit may ere ng dignidad. “Salamat,” ika ko habang patuloy ang pagpupunas.
Tahimik lang siya nakaupo’t pinapanood ako. ‘Yung ina asahan kong paghingi ng limos ay hindi nangyari. Kumakapal ang katahimikan sa pagitan namin nang may boses sa loob na kumutya, “tanungin mo kung kailangan niya ng tulong.” Sigurado ako’ng sasagot siya ng “oo”, pero sinunod ko ang konsensiya at tinanong siya kung kailangan ng tulong. Sumagot siya sa apat na simpleng salitang hindi malilimutan. Humahanap tayo ng katalinuhan sa mga tanyag na tao, at inaasahan ‘yon mula sa mga mataas ang napag-aralan at narating. Sa kanya ang inasahan ko lang ay nakasahod na maduming palad. Pero natauhan ako sa apat na salita niya. “Di ba lahat tayo?” aniya.
Palagay ko’y napakataas at lakas ko, matagumpay at importante, angat sa pulubi sa kalye — hanggang dinagukan ng apat na salitang ‘yon. Di ba lahat tayo? Kailangan ko ng tulong. Hindi nga pampasahe sa bus o lugar na matutulugan, pero kailangan ko ng tulong. Dumukot ako sa pitaka at inabutan siya ng labis sa pampasahe, kundi pati pangkain.
Tama ang apat na salita niya. Gaano ka man kayaman at marami nang nagawa, kailangan mo rin ng tulong. Gaano ka man kahirap at lubog sa problema, walang pera o matirahan, makakabigay ka ng tulong. Baka anghel ‘yung “hampas-lupa,” padala ng Diyos para tulungan magmulat ang tao sa katotohanan ng buhay — na lahat tayo kailangan ng tulong.
- Latest
- Trending