EDITORYAL - Aksiyon ng Marina sa mga 'naglalayag na kabaong'
KUNG meron mang dapat manguna sa paghihigpit sa mga pampasaherong barko para maiwasan ang mga trahedya iyan ay walang iba kundi ang Maritime Industry Authority (Marina) na pinamumunuan ni Maria Elena Bautista. Sila ang dapat mag-inspeksiyon kung ang mga barkong bumibiyahe ay may kapabilidad na maglayag.
Nagkaroon ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee sa paglubog ng MV Baleno 9 na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon. Ginawa ang pagdinig noong nakaraang Huwebes. Ang Baleno ay lumubog noong December 26, 2009 sa may Verde Island, Batangas. Tatlumpong minuto pa lamang ang nalalakbay ng Baleno nang magsimula itong tumagilid at lumubog. Mabilis ang pangyayari. Anim ang namatay at may 54 ang nawawala sa paglubog. Galing ng Calapan City port ang barko patungong Batangas. Ang paglubog ay naganap, dalawang araw makaraan ang paglubog ng MV Catalyn sa may bunganga ng Manila Bay kung saan apat ang namatay.
Sa hearing ng Baleno, sinabi ng isang survivor na nakita niyang nakikipag-inuman ang kapitan ng barko sa dalawang babae habang naglalayag ang barko. Nakita rin daw niya na lasing ang dalawang crew ng Baleno. Tila raw ba nagsasaya ang kapitan habang kasama ang dalawang babae. Tila isang Christmas party raw ang nangyayari sa may cabin ng kapitan. Hanggang sa mangyari ang paglubog. Wala man lang daw silang narinig sa kapitan ukol sa nangyayari at walang nagsabi kung nasaan ang mga lifejacket at salbabida.
Kung totoo ang mga sinabi ng survivor, malaki ang kasalanan ng kapitan ng Baleno kaya nangyari ang paglubog. Siya ang dapat sisihin.
Ang Marina ang dapat manguna sa pag-inspeksiyon sa mga barko at dapat sumiguro kung walang nilalabag ang mga may-ari, kapitan at crew ng mga ito. Alamin din nila kung may kakayahan ang kapitan at crew. Walang ibang makapipigil sa mga “naglalayag na kabaong” kundi ang Marina mismo.
- Latest
- Trending