Nabuksan ang langit
MAGTATAKA pa ba ang taumbayan kung bakit malaki ang ginastos ni President Arroyo sa kanyang distrito, kung saan tatakbo siya bilang kongresista sa darating na eleksyon? Ano pa ba ang nakakagulat diyan? Kahit anong halaga pa iyan – kalahating bilyon o isang bilyon – maliwanag na sinigurado niyang malaki ang utang na loob ng pangalawang distrito ng Pampanga sa kanya, na babayaran sa pamamagitan ng mga boto sa Mayo. Hindi kailangan ng isang senador, kongresista, abogado o nakatapos ng kolehiyo para malaman na malaki na ang kalamangan ng Presidente sa darating na eleksyon dahil sa mga proyektong pinasimuno niya. Sino pa ba ang iboboto nila?
Ngayon, inaalam na naman kung legal ang ginawa ni President Arroyo, at kung sapat ang mga pagkakamali para pigilan na siya sa kanyang kakaibang planong tumakbo sa Kongreso. Agad namang dinepensa ng kanyang mga rah-rah boys na walang masama sa ginawa niyang pamumuno ng mga proyekto sa kanyang distrito, dahil may nakalaan namang pondo para gawin ito. Sabay puri hanggang langit na maraming nagawa si President Arroyo kaysa sa tatlong nakaraang presidente na pinagsama-sama pa. Si Sec. Vic Domingo ng DPWH, ang ahensiya na nagpatupad ng karamihan sa nga proyekto ni President Arroyo, ang tagapagtanggol naman niya ngayon. Siyam na taon na siyang nasa kapangyarihan, siguro naman mas marami siyang dapat nagawa. Marami ngang kalye, napakamahal naman at ma-anomalya pa! Planong dugtungin ang lahat ng ahensiya at lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng broadband, may suhulan at patong na napakalaki naman! Nabuko, kaya hindi na tinuloy, at wala pang nananagot!
Sa madaling salita, pinagyayabang ang mga nagawa, dahil may mga baho na kailangang hindi na mapan sin. Marami ang masasabi sa isang taong pinagyayabang ang kanyang mga nagawa. Ang tunay na pinuno ng bayan, na siyang minamahal at nirerespeto, ay hindi na kailangang magyabang. Maliban pa sa lahat ng nabanggit ko, masamang halimbawa ang ipinakita ni President Arroyo sa taumbayan. Na siya ay may pinapabor na lugar, at hindi pantay-pantay ang turing sa ibang lugar ng Pilipinas. Bilang pinuno, siya ang tunuturing na ina ng bayan. Eh may paborito pala kaya pasensiya na lang ang ibang mga “anak”. Pero walang pakialam ang presidente sa kanyang imahe, basta’t ang mga kailangang alagaan ay hawak na niya, at ang kanyang tunay na hangarin ay maaabot.
- Latest
- Trending