ANG kasong ito ay tungkol sa isang parselang lupa na pag-aari ng munisipyo. Hinati ito sa tatlo (lote A, B at C). Sina Paco, Magno at ang kani-kanyang pamilya nila ang naninirahan sa lote A at C.
Noong Enero 14, 1966, nagpasa ng resolusyon ang munisipyo. Pinapayagan ang pagbebenta (sale through public bidding) ng lote A at C. Noong Abril 25, 1966, nagkaroon ng public bidding kung saan si Paco ang nanalo. Noong Abril 27, 1966, nagpasa ng resolusyon ang munisipyo. Tinatanggap na ng munisipyo ang alok na presyo ni Paco. Pagkatapos, isang kasulatan ng bentahan (deed of absolute sale) ang ginawa ng munisipyo pabor kay Paco. Ibinenta ang mga lote sa halagang P9,878.75. Alinsunod sa batas (Sec. 2156 Administrative Code), ang papeles ng bentahan ay ipinadala sa gobernador ng probinsiya upang aprubahan nito. Walang ginawa ang gobernador sa papeles.
Samantala, hinayaan ni Paco na patuloy na manirahan sa lupa (lote C) si Magno at ang pamilya nito. Ang sukat ng lupa na nasasakop nila ay 375 metro kuwadrado. Noong Setyembre 1966, tuluyang ibinenta ni Paco ang lupang hawak ni Magno. Patunay dito ay ang isang kasulatan ng bentahan na pinirmahan ni Paco at ng asawa nito sa harap ng dalawang testigo. Iyon nga lang, hindi notaryado ang kasulatan. Upang ganap na mahiwalay ang biniling lupa, kumuha ng isang agramensor (licensed surveyor) si Magno na siyang gumawa ng mga papeles (technical description) upang hatiin ang lupa. Tinawag itong lote C-3.
Noong Pebrero 7, 1992, nang patay na pareho sina Paco at Magno ay saka lang gumawa ng kasulatan ng bentahan ang munisipyo ng Marikina. Sa pamamagitan ng Mayor nito ay tuluyan na rin na ibinenta ng munisipyo ang lupa sa mga naulila ni Paco. Noong Hunyo 25, 1992, naglabas ng titulo para sa dalawang lote at nakapangalan ito sa iniwan na ari-arian (estate) ni Paco.
Agad na gumawa ng kasulatan (deed of extra-judicial partition) ang mga tagapagmana ni Paco. Hinati nila ang lote C sa tatlong piraso. Ang lote C-3 na hawak ng mga naulila ni Magno ay naging 370 metro kuwadrado na lamang at ginawang lote C-1. Sakop ito ng titulo bilang (TCT) 2447. Ang natirang 5 metro kuwadrado ay naging bahagi ng lote C-2 at sakop naman ng titulo bilang (TCT) 2448.
Noong Oktubre 1, 1992, hiningi ng mga naulila ni Magno sa mga naulila ni Paco na ibalik sa kanila ang lote C-3. Ayaw naman itong gawin ng mga tagapagmana ni Paco. Katwiran nila, wala raw bisa ang pinirmahang kasulatan ng bentahan ni Paco. Hindi pa raw si Paco ang may-ari ng lupa nang ibenta niya ito kay Magno. Noon lamang Hunyo 25, 1992 napunta ang lupa sa ari-arian ni Paco. Tama ba ang mga tagapagmana ni Paco?
MALI. Ang pagmamay-ari ng isang bagay na ibinenta ay nag-uumpisa sa oras na ibigay na ito o dalhin na ito sa bumili. Ayon sa ating batas (Art. 1496 in relation to Art. 1497 Civil Code), ang bagay na ibinenta ay itinuturing na nabigay/nadala na sa bumili nito sa oras na ganap na niyang hawak ang posesyon ng nasabing bagay.
Sa kasong ito, hawak na at nasa posesyon na ni Paco ang lote C matapos na tanggapin ng munisipyo ang presyong kanyang inalok. Kung tutuusin, parehong hawak na nina Paco at Magno pati ng kanilang mga tagapagmana ang lupa bago pa man ito bilhin ni Paco at matapos niya itong mabili ay hinayaan naman niya na patuloy na manirahan doon at mamalagi ang pamilya ni Magno. Malinaw na napagtibay na ang kontrata ng bentahan sa pagitan ng munisipyo at ni Paco. Nakuha na ni Paco ang ganap na pag mamay-ari ng lupa nang ibigay ito ng munisipyo sa kanya.
Hindi napawalang-bisa ang bentahan dahil lang hindi ito naaprubahan ng gobernador. Ito ay nananatiling legal at may bisa hanggang hindi isinasantabi at ipinawawalang-bisa ng magkabilang panig.
Sa kasong ito, legal na nalipat kay Paco ang lote A at C kaya’t may kapasidad siya na ilipat din ang lupa sa iba kabilang ang isang bahagi ng lote C o ang lote C-3. (Estate of Gonzales et. al. vs. Heirs of Perez, G.R. 169681, November 5, 2009).