TAUN-TAON ay dalawang milyong sanggol ang isinisilang. At kapag nagtutuluy-tuloy ang ganito karaming isinisilang ngayong 2010, aabot na ang populasyon ng Pilipinas sa 94 milyon. Lolobo nang todo ang Pilipinas at tiyak na mara-ming problema ang sasalungahin ng presidenteng uupo makaraan ang 2010 elections. Siya ang magdaranas nang katakut-takot na problema ukol sa population na pinabayaan ng Arroyo administration. Mamanahin niya ang bunga ng kawalan ng population management ni President Arroyo.
Maraming Pilipino ngayon ang gustong magplano ng pamilya. Ang karaniwang dami ng anak na kanilang gusto ay hanggang dalawa lamang. Pero dahil kulang sa impormasyon ang nakararaming magulang ukol sa tamang pagpaplano, hindi nangyayari ito kaya patuloy pa rin sa pagdami. Pansinin ang mga nakatira sa mga tabi ng riles ng tren, tabing sapa o estero at sila ang manumutiktik sa anak. Hagdan-hagdan ang kanilang mga anak na pawang sipunin at malalaki ang tiyan.
May mga magulang na gustong gumamit ng contraceptives subalit wala namang lubos na nagpapaunawa sa kanila ng tungkol dito. Hindi nila alam kung paano gagamitin o kung ligtas ba ito. Yung iba ay wala namang perang ibibili ng contraceptives o condom kaya. Noong dekada 70 ay libre ang contraceptives sa mga health centers at itinuturo rin sa mga mag-asawa kung paano ito gagamitin at kung kailan safe at hindi safe magtalik ang mag-asawa. Ngayon ay wala na ang ganito. Kung gusto mong magplano ng pamilya, bumili sa botika. At ang resulta ng ganitong kawalan ng population management ay ang pagdami. At sa pagdami ay umuusbong pa ang maraming problema gaya ng pagkagutom, kahirapan at krimen.
Tinalo pa ng Thailand ang Pilipinas kung ang population management ang pag-uusapan. Noong dekada 70 halos magkasingdami lang ang Thais at Pinoys pero ngayon, kumapal nang ilang beses ang Pinoys sa Thais. Sa Thailand, walang gaanong nagugutom pero dito sa Pilipinas sangkaterba. Nararapat na ang Pilipinas ay magkaroon ng ta-mang dami para iwas sa kahirapan at gutom.