EDITORYAL - Laging may pag-asa
ISANG kahanga-hanga sa mga Pinoy ay ang pagkakaroon nang malaking pag-asa. Kahit pa dinaanan na nang malaking kalamidad, trahedya, massacre, at kung anu-ano pang masasakit na pangyayari, nakangiti pa rin sila at handang harapin ang mga pagsubok sa buhay. Sa likod ng dilim ay naroon ang liwanag.
Ang ganitong kalaking pag-asa ng mga Pinoy ay napapansin na ng ibang lahi at sila man ay labis na humahanga. Halimbawa ay nang manalasa ang malaking baha sa Metro Manila noong September 26, 2009. Marami ang namatay at nasira ang ari-arian. Pero sa kabila niyan, malaki pa rin ang pag-asa nilang makababangon sa nangyaring trahedya. Sabi pa ng ilang dayuhan, kahit na nakalubog sa baha ang mga residente (hanggang dibdib ang tubig) ay nakangiti pa rin sila.
Ngayong 2010, mas maraming Pinoy ang umaasa kaysa nasisiraan ng loob. Umaasa sila na magkakaroon nang magandang buhay at tuluyang makaaahon sa kahirapan. Tuluyan nang malilimutan ang mga masasakit na alaala na nangyari noong 2009. Positibo ang kanilang isipan na magbabago ang lahat. Ang mga plano nila ay plantsado na para sa pagharap ngayong 2010.
Sa pinakabagong surbey ng Social Weather Stations (SWS), 89 percent ng mga Pinoy ay malaki ang paniniwalang maganda ang magiging kalagayan ng kanilang buhay sa 2010. Siyam sa 10 Pinoy ang nagsasabing mas malawak ang kanilang pananaw at malaki ang pag-asang makakarekober. At isipin pang hinagupit ng kalamidad ang karamihan sa mga natanong sa surbey. Ang SWS surbey ay ginawa noong December 5 hanggang 10. Mas marami ang positibo ngayong 2010 kaysa mga nagdaang taon. Pinakamababa ang rating noong 1984 na 81 percent.
Kakaiba ang mga Pinoy sa ibang lahi kung ang pagiging optimist ang pag-uusapan. Lagi nilang natatanaw ay liwanag sa halip na ang kadiliman. Lagi nilang nakikita ang kagandahan kaysa kapangitan. Hindi nakapagtataka kung hangaan ng ibang lahi ang mga Pinoy. Laging may pag-asa, laging may bukas at hindi kayang gibain ng anumang pagsubok.
Maligayang Bagong Taon sa Lahat!
- Latest
- Trending














