MATINDI ang babala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Roberto Rosales sa mga pulis na makakati ang daliri na magpapaputok ng baril mamayang gabi sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Kalaboso ang mahuhuli! Ang babalang ito’y hindi lamang para sa mga pulis kundi pati na rin sa pribadong gunholders.
Para makasiguro na hindi makapagpapaputok ang mga pulis, binusalan ni Rosales ang may 17,000 baril ng mga ito. Ngunit kahit may busal, hindi naman nangangahulugan na libre na ang mga masasamang loob na gumawa ng kasamaan dahil mahigpit ang kautusan ni Rosales sa 10,000 pulis na magpatrulya sa lahat ng sulok ng Metro Manila. Ang direktiba ay ibinigay ni Rosales sa mga police official sa isang meeting na ginawa sa NCRPO headquarter’s sa Bicutan noong Martes.
Humanda kayong mga pusakal, dahil nakahanda ang mga pulis na makipagsagupa sa inyo. Pero dahil kulang ang mga pulis sa Metro Manila na pangalagaan ang mamamayan, hinimok ni Rosales ang mga local official na tumulong upang ang mga traidor na nagpapaputok na baril mamayang New Years’ eve ay madaling matunton. Mga suki, suportahan natin ang programa ni Rosales.
Maging mapagmatyag tayo sa kapaligiran upang maputol na ang kalokohan ng ilang kababayang mahilig magpaputok ng baril. Kung papabayaan natin ito tiyak na kahit sino sa atin ay hindi makasisigurong ligtas ang buhay. Di ba mas masayang salubungin ang Bagong Taon kung buo ang ating pamilya? Umiwas tayo sa paggamit ng firecrackers sapagkat kapag naputukan sa kamay at magkasugat maaaring ma-tetanu. Ang paggamit din ng mga paputok ang dahilan ng sunog.
Kung talagang hindi maiiwasan ang paggamit ng firecrackers, gumamit na lamang kayo ng may kalidad ng mga paputok upang hindi madisgrasya. Ilayo sa mga kabahayan ang pagsisindi ng kuwitis, dahil ayon sa mga Chinese Volunteers na aking nakausap, laging ang kuwitis ang dahilan ng sunog tuwing Bagong Taon. Karamihan sa mga kuwitis na ibinibenta sa bangketa ay walang kalidad kaya kapag nasindihan, nawawala sa direksyon at sumusuot sa mga kisame, bintana at siwang ng mga bahay.
Iwasan din ang pagsusunog ng mga lumang gulong dahil nakasasama ito sa kalusugan at maging sa kalikasan. Kawawa ang mga bata na makalalanghap ng usok nang sinunog na goma. Bawasan din naman ang pagkain ng mamantika upang hindi magka-alta-presyon at atake sa puso. Tandaan ang kaligtasan ay nasa sarili nating mga kamay. Ibayong pag-iingat lamang po mga suki upang maging masagana at masaya ang ating Bagong Taon.
HAPPY NEW YEAR mga suki!