Labag sa Konstitusyon ang martial law sa Maguindanao

ISANG malaking paglabag sa Konstitusyon ng ating bansa ang ginawa ni Ginang Arroyo noong Disyembre 4, 2009 na pag-isyu ng Proclamation Number 1959 na nagdeklara ng martial law Maguindanao.

Ito ang matatag na paninindigan ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kasama ang labing-walo pang ibang senador sa kanilang pinagtibay na Senate Resolution Number 1522 na may titulong “RESOLUTION EXPRESSING THE SENSE OF THE SENATE THAT THE PROCLA­MATION OF MARTIAL LAW IN THE PROVINCE OF MA­GUIN­DANAO IS CONTRARY TO THE PROVISIONS     OF THE 1987 PHILIPPINE CONSTITUTION”.

Malinaw kasi ang isinasaad sa Section 18, Article VII ng 1987 Philippine Constitution na puwede lang isailalim ng pangulo sa martial law ang bansa o alinmang bahagi nito kung may aktuwal na nagaganap na “rebellion” o “invasion”.

Pero malinaw naman sa Senado, gayundin sa mga mahistrado, mga legal expert at sa sambayanang Pilipino na walang nangyaring rebellion o invasion sa Maguin­danao. Ang mga naging sitwasyon sa lalawigan kasunod ng masaker sa 57 katao (kabilang ang mga kababaihan, mamamahayag, at ilang sibilyan) ay isa lang usapin ng kina­kailangang paninindigan sana ng pamahalaan sa pagpapatupad ng batas at paggagawad ng hustisya, at ang kapangyarihang ito ay kasalukuyan nang tangan ng pamahalaan. Hindi na kailangan ng martial law para dito.

Hindi rin tinatanggap ng ating Konstitusyon ang katwi­ran ng Malacañang na mayroon umanong nagbabanta (looming o imminent) na rebelyon kaya idineklara na nito agad ang martial law.

Kahit hindi natuloy ang botohan ng joint session sa naturang usapin dahil pi­nangunahan nang bawiin ni Gng. Arroyo ang kanyang proklamasyon ay kailangan pa ring ihayag ng Senado laluna ng Korte Suprema na sadyang labag sa Saligang-Batas ang nasabing martial law declaration sa Maguin­danao.

Ang ganitong opisyal na pahayag ay magsisilbing bantay sa sinumang Presi­dente ng bansa laban sa iligal, hindi-makatuwiran at mapag-abusong paggamit ng batas militar para sikilin ang karapatan ng mga ma­mamayan o magsulong ng ibang agenda.

Show comments