WALANG organisasyon o samahan ang mga parking spaces sa Pilipinas. Ito ang natuklasan ng BITAG matapos mailapit sa amin ang isang kaso ng pagkawala ng sasakyan ng isang costumer sa loob mismo ng pay parking area.
Kaya naman sa mga problemang nakawan at pagkawala ng mismong sasakyan ng mga costumers sa isang binabayarang parking space, pinagtatalunan kung may pananagutan ba ang pamunuan ng parking space o wala.
Walang ahensiya na nagre-regulate hinggil sa standard rules and regulations na dapat ipinatutupad ng bawat parking space.
Ang nangyayari, kaniya-kaniya ng estilo, kaniya-kaniya ng diskarte ng pamantayan depende sa kumpanyang nagmamay-ari ng parking lot.
Isang malaking katanungan para sa BITAG na isang parking space na binabayaran ng isang costumer upang pansamantalang iwanan ang kaniyang sasakyan, walang pananagutan kung ano man ang mawala na pagmamay-ari ng kostumer.
Ang siste, binabayaran mo na, wala pang pakialam kung mawalan ka. Nakalagay pa ito sa likod ng mga tiket sa bawat parking area.
Malinaw na kinokontra nito ang Republic Act 7394 o ang Consumer Acts of the Philippines na maproteksiyunan ang kapakanan ng bawat costumer, mamimili o kliyente.
Sa puntong ito, isang mambabatas ang nakapansin ng problema. Ayon kay Buhay Party List Irwin Tieng, nasimulan na niya ang Parking Space Bill bilang pangunahing awtor nito.
Mapapaloob dito ang responsibilidad at pananagutan ng kumpanya ng Parking Space oras na nawalan ng gamit o kung sasakyan mismo ng costumer ang nawala sa loob ng kanilang space parking.
Dagdag pa ni Rep. Tieng, kasama rin sa Parking Space House Bill ang pagbibigay espasyo o lugar sa mga Persons with Disability o PWD.
Sa kasalukuyan ay nirerebisa na ang draft ng panukalang batas na ito bago pa man tuluyang ipasa sa Kongreso. Tinututukan ngayon ito ng BITAG.