Negatibong emosyon nakasisira sa katawan
LUMANG kaalaman na ito: Ang negatibong emosyon ay sumisira sa katawan. Nakasaad ‘yan sa Bibliya, alam ‘yan ng mga sinaunang Tsino, Aprikano at Latino Amerikano, at lalong napapatunayan sa kasalukuyan ng agham. Marami sa mga kanser ay dahil sa stress at masasamang saloobin ng karaniwang tao.
Naaapektuhan ng emosyon ang iba’t ibang sistema sa katawan natin: Ang dami ng red o white corpuscles sa dugo, ang hindi napapansing pagdagdag ng stress, pagod at panlulumo, ang bilis o bagal ng tibok ng puso, ang paghinga ng hangin, ang init ng katawan, ang acidity sa tiyan, at pati pagputi ng buhok.
Ang ngitngit, galit, inggit at iba pang negatibong emosyon ay may katumbas na negatibong epektong pisikal o sa katawan. Ikinuwento ni Helen Hoiser ang malimit ipayo ng isang bantog na doctor of internal medicine sa Mayo Clinic. “Parati kong pinaaalalahanan ang mga pasyente ko,” wika raw ng doktor, “na hindi dapat sila magkimkim ng sama ng loob o magtanim ng galit.” Ikinuwento raw ng doktor na napansin niya kung paano “unti-unting nagpakamatay” ang isang pasyente dahil sa away sa kapatid sa minanang lupa. Sa sobrang kabwisitan ng pasyente sa buhay, bumaho ang hininga nito, nagkaroon ng heart palpitations, malimit masira ang tiyan o maempatso, hanggang, di nagtagal nang kalahating taon, namatay.
Sinulat ni Harold Sala sa “Winning Your Inner Struggles”: “Turo ng Bibliya na agad lunasan ang masasamang emosyon, mabilis pawiin ang ngitngit sa puso, at kapag may away o sigalot sa pagitan ng dalawang indibidwal o grupo, dali-dali itong ayusin. (Matthew 18:15).
Pinabubuti o pinasasama tayo ng emosyon. Maari tayo nitong pagalingin o patayin, pasayahin o gawing miserable.
* * *
Lumiham sa [email protected]
- Latest
- Trending