NAGISING ang bayan sa sakuna na dulot ni Ondoy. Biglang naalala ng bayan na kailangan pala nang mas matinding warning systems para sa bagyo, at totoo palang mapanganib ang climate change na sinasabi. Nagising din ang bayan sa massacre na kagagawan diumano ng pamilyang Ampatuan. Biglang naalala ng bayan na kailangan pala nang mas mahigpit na pagpatupad ng batas hindi lamang sa Maguindanao kundi sa buong bansa. Naalala rin ng bayan na lubhang mapanganib pala na may naghaharing warlords sa iba’t ibang probinsiya. Lubha nga yatang napakapanganib manirahan sa Pilipinas. Kung hindi ka mamamatay sa bagyo at baha, mamamatay ka sa massacre at murder.
Ano ang kaugnayan ng dalawang panganib na ito? Hindi ba alam ng gobyerno na may dumarating na matinding bagyo? Hindi ba alam ng gobyerno na may mga private armies na maaring mag-aabuso at magsasagawa ng karahasan? Kung hindi nila alam, anong klaseng gobyerno yan? Ayon sa mga eksperto, may pagitan na walong oras ang flash flood sa kabundukan at sa flash flood sa Metro Manila. May mga paraan naman sana na malaman ito ng mga tao, ngunit hindi nga nagawan ng solution kaya marami ang namatay. Hindi na kailangan ng eksperto upang malaman na matagal nang may alitan ang pamilyang Ampatuan at pamilyang Mangudadatu. Hindi nakialam ang gobyerno sa kanilang alitan, kaya marami tuloy ang namatay.
Simpleng scientific work lang sana ang kailangan upang magkaroon sana ng warning systems para maiwasan ang maraming namamatay sa mga bagyo at baha. Simpleng police work din lang sana ang kailangan upang malaman na may panganib na darating sa isang bahagi ng bansa na may mga nakakalat na armas. Ang nangyari sa baha sa Metro Manila at sa ibang probinsiya ay dapat maging warning na sa atin na huwag tayong maging pabaya sa climate change. Ang nangyari sa Maguindanao ay warning na rin sa atin na dapat nang ipatupad ang mga batas na nagbabawal sa private armies. Sa wakas, matututo na kaya tayo ng mga mahalagang leksyon? Sana huwag mailagay sa limot ang mga warning na ito.