PATULOY pa rin ang Supreme Court (SC) sa mga kritikal na desisyon na hindi ma-gets ng taong bayan. Ang latest myterious decision ay ang Quinto v COMELEC kung saan pinawalang bisa ng Hukuman ang mahigit 100 years nang patakaran na nagsasabing appointive officials shall be considered automatically resigned from office upon filing of candidacy. Diskriminasyon daw ito sa mga appointive official at hindi makatwirang pagpabor sa mga elective official. Dahil ang huli’y hindi ituturing na nagbitiw sa posisyon kahit pa man nakapaghain na ng kandidatura.
Ang intensyon sana ng batas ay mapigilan ang pag-abuso ng nakapuwestong opisyal ng kapangyarihan at kayamanan ng posisyon upang siguruhin ang kanyang pagkahalal. Para sa SC, kung pagbigyan ang mga elective official na manatili sa puwesto kahit deklarado nang kandidato, wala daw dahilan upang ang mga appointed official ay hindi rin pagbigyan. Ano nga ba ang pinagkaiba ng dalawang klase ng opisyal?
May pinagkaiba. Malaki. Una: Ang mga halal ay iniluklok para sa isang buong termino. Katungkulan nilang gampanan ang obligasyon ng puwesto hanggang matapos gaya ng ipinangako sa bayan. Pangalawa: Ang mga appointed official ay ipinagbabawal ng batas na makilahok sa anumang partisan political activity. Paano mapananatiling patas ang pananaw ng isang kawaning inuuna ang sariling interes sa interes ng bayang pinaninilbihan?
Sa ginawa ng SC na pagpapahalaga sa karapatan ng mga kandidato, nasalaula naman ang interes ng Estado na magkaroon ng maayos at patas na labanan sa eleksyon. Parang hinatulan ng SC ng kamatayan ang ideya ng FAIR PLAY. Pinantay nga ang dalawang klase ng opisyal. Ang problema, pantay naman sila sa pagkakataong malamangan ang pobreng mga kalaban.
Isa pang unfair na resulta ng desisyon ay maaring manatili pa rin sa puwesto ang opisyal kahit tumakbo na ito at natalo. Isa pa itong siguradong panggagalingan ng abuso. Wala na ngang delikadeza nang tumakbo, ano pa kaya sa natitirang buwan at kalahati bago magturn- over sa bago? Napakaagang Christmas Gift naman nito.
Remedyo na lang na tin sa ngayon ay bantayan ng mabuti ang mga hindi bibitiw sa puwesto kahit pa man nagdeklara na. Itutok ang pinagsama nating mapanuring mata upang siguruhing hindi m awaldas ang kaban ng bayan. Mabuti pa, maglabas na tayo ng listahan ng kanilang pangalan. Ito ang gawin nating sample ballot ng hindi susuportahan sa Halalan 2010.