EDITORYAL - Lansagin ang private armies
PINANINIWALAANG may private army ang mga Ampatuan sa Maguindanao. Patunay ang mga nakumpiskang baril sa lugar makaraan ang Maguindanao massacre. Pinaniniwalaan din na ang mga CAFGU volunteers ay nagtatrabaho sa mga Ampatuan. At umano’y kasama ang mga CAFGU sa mga nagmasaker sa 59 katao kung saan kabilang dito ang 13 mamamahayag noong umaga ng Nobyembre 23. Brutal ang pagpatay sapagkat bukod sa pinagbabaril, sinaksak pa at ang ilan ay inilibing habang nakaupo sa kanilang sasakyan. Sa ngayon wala nang mga armadong grupo ng pulitiko sa Maguindanao sapagkat nasa ilalim ng martial law.
Noon pa dapat ginawa ang pagbuwag sa private army sa nasabing lugar para hindi nagamit sa masamang paraan. Kailangan palang magbuwis ng buhay ang 59 katao para lamang matanto na walang idudulot na mabuti ang pagkakaroon ng private army. Nagagamit lamang ito para lumawig ang kapangyarihan ng pulitiko. Mula sa ama, anak, apo, pinsan, ay patuloy ang kanilang paghahari sa lugar. Walang kinatatakutan sapagkat mayroon silang hukbong sandatahan na ginagamit para ipanakot. Nagiging sunud-sunuran sa kanila ang mga tauhang de-armas. Parang mga laruang may bateriya na anuman ang iutos ay gagawin — kahit pa pumatay nang walang awa.
Hindi lamang dapat sa Maguindanao isagawa ang pagbuwag sa private army ng mga pulitiko. Isagawa ito sa buong bansa. Nakita na ang masamang epekto sa nangyari sa Mindanao kaya hindi dapat magpatumpik-tumpik ang Philippine National Police (PNP) sa pagbuwag sa private armies ng mga pulitiko.
Nagbanta noong Linggo si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Roberto Rosales na lalansagin niya ang grupo ng civilian volunteers na hina-hire ng mga pulitiko sa Metro Manila. Ito raw mga volunteer na ito ay nagsisilbing “private armies” ng mga pulitiko. Ayon kay Rosales may mga pulitiko sa Metro Manila na inaarmasan ang kanilang civilian volunteers. Umano’y matataas na kalibreng baril ang ibinibigay sa kanilang volunteers.
Delikado ang ganitong sitwasyon. Nasa panganib hindi lamang ang mga pulitiko kundi pati na rin ang mamamayan. Kung inaarmasan ang mga volunteers, malamang magkasunud-sunod ang patayan sa Metro Manila at maaaring mahalintulad sa Maguindanao. Ipakita ni Rosales na hindi banta-bantaan ang kanyang sinabi. Buwagin ang private armies!
- Latest
- Trending