KUNG minsan, may mga bagong proyektong pakikinabangan ng mamamayan ang hindi makausad dahil sa mga walang batayang asunto na ang layunin lang ay manira.
May proyekto ang National Agribusiness Corp. (Nabcor) na posibleng masilat dahil sa ganyang masamang siste. Isang kinatawan ng kompanyang “non-bidder” ang nagharap ng asunto laban sa mga opisyal ng Nabcor at dinawit pati ang mother agency nitong Department of Agriculture (DA). Tungkol ito sa bidding ng proyekto para sa pagbili ng isang state-of-the-art post-harvest facility. Ang naghain ng reklamo sa Ombudsman ay isang Allan Ragasa. Representante raw siya ng kompanyang Sunvar.
Kaladkad sa kanyang reklamo ang mga agriculture executives sa pangunguna ni Nabcor president Allan Javellana dahil daw sa paggagawad sa Integrated Refri-geration Systems and Services, Inc. (IRSSI) ng P455.7-milyon proyekto para sa pagbili ng 98 unit ng multi-function, ice-making machines na may liquid quick freeze (LQF) capability na bahagi ng programa ng gobyerno na mamahagi ng mga post-harvest facilities sa mga magsasaka at mangingisda upang mapalaki ang kanilang kita.
Paliwanag ng ilang taga DA, ang mga dating ice-making facility na binibili ng gobyerno ay gumagawa lang ng yelo. Sa bagong technology ng Nabcor, hindi lang gumagawa ng yelo ang BIF equipment. Direkta nitong pini-freeze ang mga isda, manok, baboy, o maging mga prutas at mga gulay nang hindi na ginagamitan ng yelo. Nananatili pa ang kapreskuhan, kalidad at lasa ng mga produkto, anang mga eksperto.
Sumaksi naman daw sa public bidding ang tatlong iba pang kompanya gaya ng Kolonwel, JOAVI at Instrumech Philippines Inc pero biglang umatras nang walang inihaharap bid. Kung puwede silang mag-supply ng naturang equipment sa mas murang halaga, bakit hindi sila nagharap ng alok o bid? At bakit pati si DA Secretary Arthur Yap ay idinadawit gayung wala namang kinalaman ang kalihim sa proyekto ng Nabcor at hindi naman siya opisyal o direktor nito?
Sabi nga ng ilang DA officials, mukhang publi-city stunt ito. Kampo raw mismo ni Ragasa ang nagsabi sa isang presscon na wala silang direktang ebidensya laban kay Yap. Ang sabi lang nila, bilang Secretary of Agriculture, dapat alam ni Yap ang lahat. Kay babaw! Kaya nagtatanong ang marami: Ito ba ay isang plano para wasakin ang IRRS contract sa proyektong ito at puwersahin ang DA para magsagawa ng panibagong public bidding para sa pakinabang ng mga non-bidders na dumalo sa ginawang bidding ng Nabcor ngunit nag-back out sa huling pagkakataon?
Ito raw si Ragasa ay isang dummy ng mga non-bidder dahil mga taong may kaugnayan sa Kolonwell ang naghanda ng press conference na ginawa ni Ragasa sa isang restawran sa Que zon City ilang oras lamang matapos niyang isampa ang kanyang reklamo sa Ombudsman noong Nob. 18. Iyang ganyang mga bulok na estilo ang dapat nang mabura sa ating gobyerno.