NAGKAROON ng kaunting tension kahapon ng umaga sa Davao International Airport nang muntik nang mag pang-abot ang grupo ni Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan at may 22 sa kanyang kaanak na sumakay sa PAL flight 810 patungong Manila dakong 6:40 ng umaga.
Nakunan pa nga ang mga bodyguards ni Gov. Zaldy ng mga high-powered firearms ng mga elemento ng Task Force Davao dahil nga bawal na dito ang pagpasok at pagdadala ng mga high-powered firearms dito sa Davao City na kung saan may tatlo o apat na mansion ang mga Ampatuan dito.
Ayon kay Task Force Davao commander Col. Oscar Lactao ang mga nasabing armas ay hindi na ibabalik sa mga Ampatuan at sila ay isasailalim sa ballistic test makaraan nang naituro na mastermind sa Maguindanao massacre ang kapatid ni Gov. na si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na kung saan may 64 katao ang namatay kasali na ang asawa ni Buluan Vice mayor Ismael ‘Toto’ Mangudadatu, dalawa pa niyang kapatid na babae, dalawang lady lawyers at may tinatayang 27 na mga mamamahayag.
Ang tension kahapon ay bunsod na rin sa kaganapan na si “Toto” Mangudadatu at apat pa niyang mga kamag-anak ay sasakay sa susunod na PAL flight 820 patungong Manila rin dakong alas-8:00 ng umaga.
May pagitan lang ng dalawang oras at magpang-abot na talaga ang dalawang nagbabangayang kampo.
Kaya nga ayon kay Col. Lactao, malaking problema talaga yong magpang-abot ang mga Ampatuan at mga Mangudadatu na kapwa may mga dalang high-powered firearms.
Kung tutuusin ang karumal-dumal na Maguindanao massacre ay matagal nang naging disaster-in-the-making na naghihintay lamang ng tamang panahon kung kailan puputok.
Kaya nga napakakritikal ang maging tugon ng pamahalaan sa problema ng Maguindanao.
Sinimulan na ng AFP at ng PNP ang pagbuwag ng may higit 400 armadong puwersa ng Civilian Volunteer Organization at mga SCAA na itinayo ng mga Ampatuan na may ilang taon na ring nakaraan. Hindi naman lingid sa AFP at PNP ang lumulobong armas at armadong tauhan ng mga Ampatuan.
At nang nangyari ang Maguindanao massacre, saka lang ibinuwag at pinull-out o na-decommission ang mga nasabing armadong puwersa ng mga Ampatuan.
Ayon sa mga balita, may mga 400 na armas na ang naisurender ng mga tauhan ng mga Ampatuan. At ang mga armas na naisurrender ay puro pa mga luma at kalawangin. Karamihan nga raw ay hindi na pumuputok.
Ngunit alam ng lahat na mas higit pa roon ang kabuuang bilang ng mga armas ng mga Ampatuan. At may mas marami pang mga mas magaganda at modernong baril sila, ayon sa mga opisyales ng militar at pulis.
Ang tanong ngayon, totohanin ba ng mga militar at ng mga pulisya ang pagbubuwag ng armadong puwersa ng mga Ampatuan at maging ng mga Mangudadatu upang luluwag na ang tension sa katimogan?
Abangan ang susunod na kabanata!