DUMARAMI ang kaso ng hypertension dahil sa pagkain ng sobrang karne gayundin ng mga labis na alalahanin na nagdudulot ng stress. Kaya dapat na tayong matutong kumain ng mas maraming gulay. Ako walang problema diyan. Kahit nilagang talong, okra o sitaw ay aprub na sa akin lalu pa’t may sawsawang suka’t bagoong o kaya’y balaw-balaw.
At dahil tumataas ang presyo ng karne at isda, panahon na para magbago ng dietary regimen at damihan ang konsumo ng gulay. Madalas, parang nahihiya ang isang pamilyang gulay ”lang” ang ulam. Huwag laitin ang gulay. Ang gulay ay maraming taglay na sustansiyang mabuti sa kalusugan. Bukod sa magandang kalusugang dulot nito, malaki rin ang matitipid ng pamilyang nakalalamang ang gulay na isinisilbi sa mesa.
Para sa pamahalaan, lalu na sa Department of Agri-culture, ang gulay ay ”pansagip” sa milyon-milyong nagugutom nating kababayan. Kaya inilunsad ang programang Gulayan ng Masa, kaugnay ng pangunahing programa ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na Acce-lerated Hunger-Mitigation Program (AHMP).
Layon nito na bawasan ang gutom at mapalaganap ang sustansiyang dulot ng pagkain ng gulay sa mga tinatarget na probinsya at urban areas. Ito’y sa pamamagitan ng pagtatayo ng home gardens; pagsasanay sa mga pamilya ng vegetable at seed production; pagpapalawig ng paggamit ng container gardens sa urban areas; at malawakang kampanya sa pagkain ng gulay.
Maganda iyan. Bukod sa dahilang pangkalusugan, mabigyan din ang pamilya ng dagdag kita sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga aanihing produkto, di ba?
Sa report ng DA kay National Nutrition Council Chair at Health Secretary Francisco T. Du que III na siya ring Lead ng Anti-Hunger Task Force, mayroon nang 5,996 communal backyard gardens na naitayo sa lahat ng AHMP Priority 1 and Priority 2 areas, pati na sa National Capital Region na nakapagserbisyo sa 1,608,153 pamilya noong taong 2008. Sa taong ito, 1.6M nang pamilya, 11,999 na paaralan ang nabigyan ng seeds ng Bureau of Plant Industry para sa kanilang gulayan project.
Ikinatuwa ni Duque ang malaking bilang na naitala ng DA sa programang ito, at aniya ay umaasa siya na sa malapit na hinaharap ay mas maipapalaganap pa ng DA ang kabutihang dulot ng pagtatanim at pagkain ng gulay sa kalusugan at nutrisyon, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan.