^

PSN Opinyon

'Pusang ligaw'

- Tony Calvento -

Singgulo ng kanyang isip ganun din kakumplikado ang kwentong gusto niyang iparating sa amin. Marami siyang gustong sabihin.

Kaming lahat, isa-isa naming hinimay ang mga problemang dala-dala nitong complainant upang lubusan siyang maintindihan at nang sa gayun ay matulungan.

Siya ay si “Roberta” (di tunay na pangalan), 27 taong gulang ng North Pilar, Bataan.

Isang ‘epileptic’ si Roberta, isang karamdaman na na-aapektuhan ang ‘nervious system’ na kapag inatake ang isang tao ay bigla nalang nangingisay at naninigas ang buong katawan. Ipinanganak siya na ganito ang kanyang kondisyon.

Marami na siyang pagsubok na napagdaanan. Isa na dito ay ang makaranas ng pagmamalupit ng kanyang unang kinasama.

Hindi natiis ni Roberta ang pananakit sa kanya kaya kahit nagkaroon siya ng anak dito ay iniwan niya ang lalaki matapos ang dalawang taon nilang pagsasama.

Dating tindera si Roberta sa compound ng G-Liner terminal, Bataan. Dun siya nakakilala ng isang ‘driver’ na si Jonathan “Atan” Metran.

Sa loob ng magulo, maingay, mausok at mataong lugar umusbong ang isang makulay na pagtitinginan ng dalawa. Isang buwan lang siyang niligawan nitong si Atan at nagsama na sila.

Masaya si Roberta sa piling ni Atan. Nakahanap siya ng lalaking tatanggapin siya sa kabila ng kanyang karamdaman. Nangako rin ang lalaking ito na ituturing niya ang anak ni Roberta ng parang kanya na rin.

Isang pagsubok ang dumating sa buhay ng mag-asawa bago matapos ang taong 2007. Nagdesisyon si Roberta na maghanap ng trabaho upang makatulong sa kanyang mister.

Kinausap niya ang kanyang kaibigang si Elena Barana. Nangako naman itong tutulungan siyang makapasok bilang tindera ng damit sa Brgy. Publacion.

Ika-18 ng Abril pumunta si Roberta kay Elena para maki-balita tungkol sa kanyang trabaho. Naghintay siya ng tawag sa tindahang kanyang pinag-aplayan.

Kaibigan ng asawa ni Elena ang may-ari kaya hinintay niyang makauwi ito para malaman kung kailan siya magsisimula.

“Umaga pa lang ay nandun na ko naghihintay pero ayos lang dahil kailangan ko talaga ng trabaho pambili ng gamot ko sa epilepsy,” pahayag ni Roberta.

Nakatulog na si Roberta sa kahihintay, mga mahihinang katok ang gumising sa kanya. Nang una’y ’di ito pinansin ni Roberta dahil akala niya’y nanaginip lang siya subalit patuloy ang katok.

Kaya’t tumayo siya, bahagya niyang binuksan ang pinto para masilip kung sino ang kumakatok. Nagulat nalang siya ng makita ang isang lalaking nakilala niya na si Roel “Mario” Besonia, tindero umano sa Sarong Lechon Manok.

Binundol nito ang pinto ng kanyang katawan, tumilapon si Roberta sa sahig. Pumasok si Mario at kinaladkad si Roberta papunta sa kama. Dinaganan niya ito ng kanyang katawan upang di makakilos. Pu­wersahan niyang nahubaran.

 “Nanglaban ako! Pinagpapalo ko ang likod niya pero malakas si Mario. Nagsisigaw ako pero mabilis tinakpan ang aking bibig. Pinasok niya ang kanyang t*^% sa aking ari,” pagsasalarawan ni Roberta.

Kwento ni Roberta, habang ginagahasa siya ni Mario ay nagsimula siyang mangisay at manigas. Inatake siya ng epilepsy, nawalan siya ng malay.

Pagising nito’y agad siyang bumaba sa kwarto. Nagulat siya ng makita si Elena. Tinanong niya ito kung kanina pa siya dun pero ’di siya kinibo nito.

Kinuwento niya kay Elena ang nangyari, tiningnan lang siya nito at nagkibit balikat.

Umuwi si Roberta na masama ang loob kay Elena. Hindi siya makapaniwalang wala siyang alam sa ginawa ni Mario.

Itinago niya sa kanyang asawa ang nangyari. Hindi na niya nakayanang dalhin pa ang bigat ng kanyang dinanas.

Makalipas ang dalawang araw, sinumbong niya ang panggagahasa ni Mario kay Atan. Nagulat si Roberta sa reaksyon ng mga taong inakala niya’y dadamay sa kanya sa oras ng kanyang matinding pagsubok.

Hindi siya pinaniwalaan ng sariling asawa. Nang ikuwento naman niya ito sa kanyang mga magulang inisip nila na ito’y dala ng kanyang karamdaman at dahil na rin sa dami ng kanyang iniinom na ‘Phenobarbital’ (isang gamot pangkalma sa mga epileptic).

Nagalit si Roberta sa inasal ng magulang inaway niya ito at humantong ang masakit na salitang binitawan ng kanyang ama’t ina “Hindi ka namin anak!”.

Lumayas si Roberta sa kanilang bahay naisip niyang talikuran nalang niya ang kanya pamilya kung wala naman siyang maaasahan sa mga taong pinaka malapit sa kanya.

“Inisip kong magpakamatay, nagpalakad-lakad ako sa high way. Sinalubong ko ang mga sasakyan. Lumapit sa’kin ang isang babae… si Nida na siyang tumulong sa akin!” pahayag ni Roberta.

Kinuwento ni Roberta ang kanyang sinapit kay Nida. Naawa si Nida sa kanya kaya’t pinatuloy siya sa bahay nito.

Pinakilala ni Nida si Berhilio “Amang”, 60 taong gulang, tinulungan siyang magsampa ng reklamo ni Amang sa Prosecutor’s Office, Balanga Bataan.

Nakakita siya ng kakampi at karamay. Naging sandalan niya itong si Amang sa pakikipaglaban.

Nakituloy si Roberta sa bahay ni Amang habang inaasikaso ang kaso.

Isang hapon, sinakay siya umano sa ‘tricycle’ nitong si Amang. Papunta sa sa abugado subalit sa isang Hotel umano siya dinala nito.

Tinutukan umano ng patalim si Roberta ni Amang at pinasok siya sa MM Hotel, Balanga

“Sinabi ko kay Amang na, ‘wag naman’ pero tinakot niya ako. Tutuluyan daw niya ko kapag nag-iskandalo ako,” salaysay ni Roberta.

Ilang ulit umanong ginahasa ni Amang si Roberta. Ayon sa kanya nauulit ang panghahalay kada mag-aayos sila ng papeles.

Matapos umanong pagsawaan siya nitong si Amang ibinaba na lamang siya parang isang pusang inililigaw sa kahabaan ng highway.

“Gulung-gulo na ako. Maging si Amang na pinagkatiwalaan ko. Niloko ako at pinagsamantalahan! Kailangan ko ng katuru­ngan,” pabulong na sinabi Roberta.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kasaysayan ni Roberta. Kinailangan namin siyang bigyan ng abugado na taga Balanga, Bataan para matutukan ang kanyang kaso at matulungan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi madali ang kasong inilapit ni Roberta mahabang pakikibaka ang nag-aantay sa kanya upang makamtam ang mailap na hustisya na ilang taon na rin niyang hinahabol. Kami’y nanalig na sa bandang huli mapaparusahan ang mga taong nanamantala sa isang katulad ni Roberta na isang epileptic. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Para sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City

Email address: [email protected]

ISANG

KANYANG

MARIO

NIYA

ROBERTA

SIYA

SIYANG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with