HINDI biro ang naging kalbaryo ng madlang people sa Philippines my Philippines ng windangin ng bagyong Ondoy at Pepeng nagmistulang dagat-dagatan ang ilang place at ang iba naman ay nawalan ng kuryente kaya sangkatutak ang nasirang ari-arian at marami ang nagbuwis ng buhay.
Sabi nga, natigok!
Marami rin ang nasirang pagkain tulad ng karne at mga isda at napanis ang ibang tsibog.
Ika nga, daming nagutom!
May isang bright guy na si Hermie Decena, isang inventor ang nakatuklas ng bagong hi-tech technology na makakatulong magbigay ng solution sa mga problemang ganito kapag dumating ang krisis.
Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, na tinawag na ‘brine immersion freezing’, ang mga produktong gaya ng isda o karne ay maaaring maimbak nang hanggang dalawa o tatlong araw sa mga Styrofoam boxes na hindi ginagamitan ng yelo.
Kapag inilagay pa ang mga produkto sa loob ng freezer o chiller matapos ang BIF freezing, tatagal pa ang mga ito nang hanggang anim na buwan.
Ang isa pang magandang katangian ng teknolohiyang ito ay kaya nitong mapanatili ang kapreskuhan ng isda nang hanggang dalawa o tatlong araw matapos ang BIF-freezing. At kung ito ay pinalambot na, kasing presko pa rin ito ng bagong-huling isda, ito ma’y ihawin o iluto sa ibang pamamaraan. Kaya hindi bilasa ang isda.
Inaabot lamang ng 3 hanggang 30 minuto (depende sa klase, laki o dami ng produktong ipoproseso) ang pagpapalamig ng produkto gamit ang BIF, kumpara sa karaniwang ginagamit na paraan, na inaabot nang 3-4 oras para magpayelo ng produkto gamit ang air blast system.
Isa pang bentahe ng teknolohiyang ito ay ang kadalian nitong ilipat ng pwesto at isaksak sa kuryente, at ’di gaya ng mga lumang teknolohiya na kailangan ng malaking pwesto na permanenteng pagsasalpakan nito.
Ang isang BIF compartment, na may stand na gulong, ay kasing laki lamang ng isang chest-type refrigerator o freezer, kaya’t napakadali nitong dalhin kahit saan at isaksak kahit saang electrical outlet.
Ang mga pangunahing makikinabang dito ay ang mga maliliit na mangingisda na kailangan pang gumastos ng extra para bumili ng yelo para hindi masira ang kanilang mga produkto. At syempre, makikinabang din ang mga mamimili, dahil pagdating sa kanila ng mga isdang inimbak nang dalawa hanggang tatlong araw, kasing-sariwa pa rin ito ng mga bagong-huling isda, hindi lamang sa itsura kundi pati sa lasa.
Ang mga BIF freezer ay maaari ring magamit bilang mga ice-making machines. Kaya nitong gumawa ng 3,000 kilo ng yelo kada araw sa pamamagitan ng paggawa ng pawalo-walo hanggang sampung-kilong bloke ng yelo kada salang. Ang mga karaniwang block ice maker ay inaabot nang 37 oras sa paggawa ng 130-kilong bloke ng yelo sa mga plantang may kapasidad na 20-hanggang 60-tonelada kada araw.
Aprubado ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang agri-freeze solution na ito sa isinagawa nitong Microbiological Method of Bacteriological Analysis.
Nakapasa na rin ito sa isinagawang Pharmacology and Toxicology test ng University of the Philippines (UP).
Ngayong lalong lumalala na ang global warming at climate change, dapat ay maghanda tayo sa mga masasamang epektong maaaring idulot nito gaya ng malalim na pagbaha, na maaaring magdulot ng kakulangan sa supply ng pagkain at kawalan ng kuryente.
Kaya’t dapat nating gamitin ang mga bagong teknolohiyang gaya ng BIF na makakatulong sa ating bansang makapaghanda para sa mga natural na kalamidad. Isa pang matinding dahilan para itaguyod natin ang teknolohiyang ito ay dahil sa isang Pilipino ang nag-imbento nito kaya’t ang paggamit ng BIF ay alinsunod sa ating “Buy Filipino program.”
Isa sa siguradong paraan para magkaroon tayo ng sapat na supply ng isda at iba pang produktong pagkain na may mataas na kalidad ay ang pagtataguyod ng gobyerno sa BIF technology at ang paggamit dito ng mga negosyante sa agribusiness, kooperatiba ng mga magsasaka at ng mga pamahalaang lokal.
Napag-alaman din namin na ang BIF freezer na ito ay idi-display sa seminar-exhibit ng Philippine Society of Mechanical Engineers na gaganapin ngayong Nobyembre sa SM Mall of Asia sa Pasay City.