BATID natin na mahalaga ang patuloy na supply ng tubig sa ating buhay. Wika nga, mawala na ang lahat huwag lang tubig.
Pero alam n’yo ba na napakarami pa ring mga lugar sa bansa ang walang supply ng tubig na maiinom? Huwag na tayong lumayo. Mayroong isang naninirahan sa Soldiers Hill, Muntinlupa sa loob ng 30-taon. Hangga ngayon daw ay pulos rasyon pa ang tubig sa kanilang komunidad. Dahil hindi tiyak kung saan galing ang tubig na nirarasyon, madalas daw na nagkakasakit ang mga miyembro ng kanyang pamilya.
Sa aking residence sa Sunriser Village, Novaliches, Caloocan ay tatlong taon na kaming may tubig ng MWSS. Pero yung mga subdivision na nakapaligid sa amin ay wala pa at de-rasyon pa!
Exceptional ang Parañaque dahil halos 90 porsyento na ng mga mamamayan ang nagtatamasa ng steady supply ng malinis na tubig. Partikular nating tutukuyin ang may 15,000 residente ng BF Homes, May malinis na kalye, palengke, palikurang bayan at kanal, all because of the availability of clean water.
Kredito ito sa maayos na pamumuno ng kaibigan nating si Mayor Jun Bernabe. Aniya, ginawa niyang priority ang tubig at dahil dito, maraming investors ang dumagsa sa lungsod. May political will palibhasa si Mayor.
Sabi nga ni Mayor, ang problema sa tubig ay hindi lamang sa Pilipinas kundi nakaamba rin sa buong mundo bunga ng pang-aabuso sa kalikasan. Well, ito’y seryosong problema na kailangang sama-samang pagtulungan ng pamahalaan at taumbayan.