EDITORYAL - Simulan ang paglipol sa mga 'buwaya' sa DPWH

INAMIN mismo ng bagong secretary ng Department of Public Works and Highways na si Victor Domingo na talamak ang corruption sa kanyang departamento. Kaya naman hinikayat niya ang mga tauhan at opisyal na wakasan na ang corruption. Alam daw niya noon pa na talagang may corruption sa DPWH, pero meron din naman mabubuting tauhan ang departamento. Sinabi niyang totoo na ang DPWH ay kahanay ng Customs, BIR, DepEd bilang mga   corrupt na ahensiya. Hindi nawawala ang DPWH sa listahan ng mga corrupt na tanggapan. Kakambal na ng DPWH ang katiwalian.

Si Domingo ang pumalit kay Sec. Hermogenes Ebdane Jr. makaraang magbitiw ito sa puwesto dahil tatakbong presidente sa 2010 elections. Nagsimula si Domingo sa kanyang tungkulin noong Lunes at nangakong lilinisin ang kanyang tanggapan sa katiwalian. Bukod diyan, bibilisan din daw umano ang pagtatrabaho sa mga lugar na pininsala ng mga bagyong “Ondoy” at “Pepeng”. Nakaatang sa balikat ni Domingo ang pagsasaayos ng mga nasirang kalsada at tulay sa maraming lugar sa bansa.

Maraming dapat isaayos si Domingo at unang-una na ay ang nangyayaring corruption sa kanyang tanggapan. Imposibleng maisaayos niya ang DPWH hanggat nasa bakuran ang mga “gutom na buwaya”. Imposibleng mabago ang pagtingin ng taumbayan sa DPWH hangga’t maraming “buwaya” na aali-aligid sa bakuran nito. Sobra sa kagutuman ang mga “buwaya” na ang mga balat ay ayaw nang tablan ng mga batikos. Masyado nang matigas o makunat ang balat ng mga buwaya at balewala ang panawagan para sila malipol.

Magandang simula para kay Domingo na lipulin muna ang mga “buwaya” sa kanyang bakuran para pagtiwalaan. Maski ang World Bank (WB) ay nalalaman ang nangyayaring corruption sa DPWH. Sa report ng WB noong nakaraang taon, nagkaroon ng collusion sa mga contractors ng DPWH hinggil sa isang proyektong pinondohan ng ibang bansa. At nagtataka ang WB sapagkat walang ginagawang hakbang ang DPWH mismo. Alam nila ang nangyayari at hinahayaan umano na manatili ang corruption.

Simulan ang paglipol sa mga “buwaya” sa DPWH.

Show comments