ISANG shopper pala ang tinamaan ng ligaw na bala makaraang magbarilan ang dalawang police bodyguard sa anim na miyembro ng kilabot na robbery group sa Greenbelt 5 sa Makati City noong Linggo ng tanghali. Mabuti na lamang at ligtas na ang nasabing shopper kundi, malaking isyu na naman ito. Uusok na naman ang mga batikos sa mga mall na wala palang seguridad kapag nasa loob nito. Saan naman nakakita na nakapasok ang mga nagpakilalang Bomb Squad na hindi na siniyasat ng mga sekyu kung talaga nga bang tunay na mga bomb expert. Grabe na ito!
Napatay ng mga pulis na bodyguard pala ni Taguig Mayor Freddie Tinga ang isang holdaper. Nasa isang restaurant si Tinga at nagtatanghalian nang maganap ang holdapan. Ang kanyang dalawang bodyguard na kasalukuyang nasa labas ng restaurant ay napansin ang ginagawang pagbasag sa eskaparate ng watch store. Pinutukan agad ng dalawang pulis ang mga bumabasag sa eskaparate. Nagsimula na ang putukan. Bumulagta ang isang holdaper at nagsitakas naman ang iba pa. Maraming shopper ang nahintakutan. Pati ba naman sa mall ay sasakmalin din sila ng takot? Grabe na ito!
Ilang buwan na ang nakararaan, nagbigay ng direktiba ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) na huwag papapasukin ng mga guwardiya ng establisimento ang mga armadong may nakasulat na PULIS, SWAT o BOMB SQUAD hangga’t walang kaagapay na mobile o police car. Umano’y van at kotse ang gamit ng mga nagpakilalang BOMB SQUAD nang dumating sa Greenbelt. Walang anumang pinapasok ng mga sekyu. Siguro ay sinaluduhan pa.
Isang buwan na ang nakararaan, ilang establisimento rin sa Pasig ang hinoldap ng mga armadong nakasuot ng tshirt na may nakatatak na PULIS. Pinapasok din ng mga sekyu. Nang makapasok, tinutukan na sila at iginapos. Kamakailan, pinasok din ng mga armadong naka-SWAT shirt ang Harrison Plaza at ninakawan din. Nakalusot din sa mga sekyu. Grabe na talaga!
Saan pa nga bang lugar ligtas ngayon ang taumbayan? Anong klase bang seguridad ang pinaiiral ng ilang mall at tila nasasakripisyo ang buhay ng shoppers. Dapat paigtingin ng ilang mall ang seguridad para walang makalusot na holdaper. Alalahanin ang mga tagatangkilik.