MAY mga peligro talaga kapag masyado nang malaki ang populasyon, at lahat gusto pang manirahan sa isang lugar. Ganito ang sitwasyon na sa Metro Manila. Masyado nang maraming tao sa kapital ng Pilipinas. At may mga peligro na tila nalalaglag na lang mula sa langit.
Isang DC-3 na eroplano ang bumagsak sa Las Piñas noong Sabado ng tanghali. At ang binagsakan ay isang bodega. Sa pagsusulat nito, apat sa pitong pasahero ng eroplano ang kumpirmadong patay, at hinahanap pa ang tatlo. Ito ang peligro kapag malapit sa tirahan ng mga tao ang airport. Magkakaroon talaga ng okasyon na may babagsak na eroplano sa mataong lugar. Wala pang balita kung may namatay o nasaktan sa pingbagsakan ng eroplano. Sana naman wala.
Sa nakaraan, may ilang bumagsak nang eroplano sa Merville Subdivision sa Parañaque. Alam ko ito dahil doon ang bahay ng mga magulang ko. May bumagsak pa nga na Aerolift na eroplano sa kapitbahay namin noong 1990! Lahat ng pasahero ng eroplanong iyon ay namatay, pati mga nakatira sa bahay na binagsakan. Salamat na lang at hindi sa amin bumagsak! Kaya matagal nang pinaglalaban ng Merville Subdivision na sa ibang ruta na lang mag-take-off ang mga eroplano. Pero hindi madaling gawin ito dahil ang eroplano ay dapat humaharap sa hangin kapag papalipad na.
Nataon naman na sa may ibabaw ng Merville ang direksyon ng hangin. Kaya hanggang ngayon, doon pa rin dumadaan ang mga paalis na eroplano. Sa ibang bansa, kadalasan ay malayo sa populasyon ang airport. Sa Hong Kong nga, gumawa sila ng bagong isla sa South China Sea para malagyan ng airport, dahil peligroso na sa dating Kai Tak airport na nasa gitna ng siyudad. Mga nakasampay na damit nga ang matatanaw mo mula sa bintana ng eroplano kapag pababa na!
Kaya babalik na naman tayo sa pagplano ng isang siyudad. Dahil sa mga bag-yo at bahang dinulot nitong nakaraang tatlong linggo, kailangan baguhin na ang hugis at ayos ng siyudad, pati na mga patakaran ukol sa kalamidad.
Isama na rin ang airport kung may magagawang solusyon para hindi naman malagay sa peligro ang mga mamamayang nakatira malapit sa airport ng Maynila. Madaling sabihin, pero napakahirap nang gawin, lalo na kung wala naman sa prioridad ng isang administrasyon ang baguhin ang siyudad. Pero kung talagang gugustu- hin, magagawa ito. Puwede na sigurong umpisahan ang mga plano at magbigay ng mga suggestion na, para sa mga susunod na administrasyon.