SIYAM na milyong piso ang sinayang ng Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sa paglalagay ng loading bays sa mga pangunahing lansangan at pagkatapos ay gigibain din pala dahil mali ang plano. Malaking halaga ang natapon mula sa kaban ng pamahalaan. Sana ay nagastos na lamang ang halagang ito para sa pagkain ng mga evacuess na pininsala nina Ondoy at Pepeng. Dapat ipaliwanag ni MMDA chairman Bayani Fernando ang isyung ito. Ngayong nasa krisis ang bansa dahil sa sunud-sunod na pagtama ng kalamidad, mahalagang malaman kung bakit hindi muna nakagawa ng tiyak na plano bago sinimulang gawin ang loading bays.
Ayon sa Commission on Audit (COA), pitong loading bays at sidewalk pavement sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ang winasak makaraang gastusan nang malaki. Sinabi ng COA na ang kakulangan sa tamang plano sa pagpapagawa ng loading bays ang dahilan kaya winasak ang mga ito. Bukod din umano sa kakulangan ng plano, hindi rin gaanong napag-aralan ang paglalagay ng loading bays at sidewalk pavement. Ayon pa sa report ng COA, 14 na loading bays ang inilagay sa kahabaan ng Commonwealth pero nagulat umano sila sapagkat pito na ang nawawasak. Tinanggal na ang loading bays na isang katotohanan na nag-aksaya lamang ng pondo ang MMDA. Bakit kaya hindi napagplanuhan ito ni Bayani Fernando? Bakit hindi naisip ang aaksayahing pondo sakali’t wasakin ang istruktura? Ayon sa report ng COA ang loading bays na itinayo sa Commonwealth ay nagkakahalaga ng P20.11 million.
Napuna rin umano ng COA na ang ilang loading bay na winasak ay malapit sa mga ginawang U-Turn slot sa Commonwealth. Malinaw daw talagang hindi na- pag-aralan ang paglalagay ng loading bay. Sabi pa ng COA, ang pitong loading and unloading bays na winasak sa Commonwealth ay nagkakahalaga ng P8.80 million.
Napulbos lamang ang P8.80 million. Tinangay lamang ng alikabok ang malaking pondo. Marami nang makakakain sa halagang iyon. Sana, pag-aralang mabuti at iplano ng MMDA ang kanilang gagawing proyekto. Sayang ang pondo na dapat ay ginamit na lamang sa ibang tiyak at kapaki-pakinabang na bagay.