Panahon na ng ... sisihan
UMAARAW na muli. Wala nang bagyo. Tapos na ang rescue operations sa baha at mudslides. Patuloy ang relief work sa ilang evacuation places. Pero ang toon ng pansin ay ang rehab. Kasabay nito siyempre ang pagrepaso sa mga naging sanhi ng baha nina Bagyong Ondoy at Pepeng. Kaya naman, hayun, nagsisisihan na ang mga opisyales kung sino ang may kasalanan.
Nangunguna sa pagbibintang si Natural Resources Sec. Lito Atienza. Ipakulong daw ang mga pabayang mayor na pumayag sa squatters na magbahay sa tabing-ilog. At ihabla raw ang opisyales ng Laguna Lake Development Authority dahil hindi binuwag ang naglipanang fish pens na sumasakal sa lawa. Anang mga mayor, kasalanan ng barangay officers na pumayag sa ilegal na pagtayo ng squatter shanties. Dagdag naman ni LLDA chief Ed Manda, matitigas ang ulo ng squatters na tumira sa danger zones. At sabi naman ng barangay officials at squatters, kasalanan daw kasi ng mga namamahala ng mga dam sa paligid ng Kamaynilaan, dahil nagpakawala ito ng tubig habang bumubuhos na ang ulan kaya nagbaha.
Samantala, walang kibo ang mga taga-Dept. of Public Works and Highways, Housing and Land Use Regulatory Board, at Metro Manila Development Authority. Tulad ng mapanising DENR, pumayag din sila sa pagtirik ng malalaking subdivisions, malls at pabrika sa mga catch basins, tabing-ilog, at ibabaw ng estero. Sila ang mga ahensiyang hinihingan ng permiso para sa konstruksiyon. Sila rin ang dapat na nagsesegurong tama at malinis ang trabaho sa kalsada ng mga kontratista. Sila ang dapat na nagtatanggal ng bara sa drainage sewers at estero. Pero ilang dekada nang hindi nila gina gampanan ang responsibilidad. Sinusuhulan kasi.
Matagal nang itinayo ang Angat, Pantabangan at San Roque dams. Simula’t-sapol, tiniyak ng mga enhinyero na walang babahaing kabahayan kung sakaling magpakawala ng tubig. Pero nang lumilipas ang mga taon, binarahan ng subdivisions at gusali ang daluyan, kaya nagbabaha ngayon. Nauna ang dams, saka lang sumulpot ang mga binabahang kabahayan.
- Latest
- Trending