Ulan halos 10 oras

Ulang walang hinto halos 10 oras

na dulot ng bagyo na biglang bumagsak;

Ito ay nagbunga ng bahang malakas

ngayon lang nadama at nakagugulat!

Ang patak ng ulan – malakas at panay

kaya nagpabaha sa maraming lugar;

Mga batis ilog ay biglang umawas

mga tao’t bahay inanod na lahat!

Nilunod ng baha ang maraming tao –

at ang nawawala ay daan at libo;

Mayaman at dukha sinalanta ito

ng higanteng baha na dala ng bagyo!

Itong sambayanan ay di nakahanda

sa biglang pagdating nang malaking baha;

Malalaking bahay – village na magara

pinasok ng tubig maraming sinira!

Sa mga probinsya lalo na sa Luzon

bayan at barangay tubig ang lumamon;

Ang mga bukiring may pantawid-gutom

lubog din sa tubig ng ulang bumalong!

Mga estudyante’t mga empleyado,

mga manggagawa’t mga pasahero;

Ang mga sasakya’y hindi tumatakbo

stranded ng baha sa lahat ng dako!

Libu-libong tao’y nasa evacuation

kaya marami nang mayskit at gutom;

Ang mga relief goods dumarating doon

pero kulang pa rin sa mga naroon!

Tulong ng gobyerno’t mga ibang bansa

kung dumarating man halos kulang pa nga;

May mga biyayang mula kawanggawa –

hindi pa rin sapat sa mga kawawa!

Sa mga partido’t mga kandidato –

ito ay panahon na tumulong kayo;

Perang pangkampanya ay ilaan ninyo

sa mga binaha – kayo’y sumaklolo!

Show comments