Tatlong pahirap: RFID, tax on text, oil prices
HETO’T nananahimik ang mamamayan imbis na nagdedemonstrasyon laban sa labis na katiwalian ng Arroyo admin. Tapos, babanat naman ang mga walang-silbing opisyales niya:
l Maya’t maya nagtataas nang tig-P1 o -P1.50 kada litro ng gasolina (pero pa-25¢ o -50¢ lang kung mag-rollback). Tapos nakasigaw pa ang bastos na Energy Sec. Angelo Reyes kung idepensa ang kartel ng Petron, Shell at Chevron. Kesyo raw malaya sa ilalim ng Oil Deregulation Law na magtalaga ang Big Three ng anomang naising presyo. Magsususpetsa ka tuloy na may kakaibang relasyon si Reyes sa Big Three. Lalo na’t hindi maganda ang iniiwan niyang reputasyon saan man siya maitalaga: AFP, defense o environment department.
l Magpapataw ang naghaharing Lakas-Kampi sa Kongreso ng bagong buwis. Sisingil ng tig-singko sentimos sa bawat text, telegrama, tawag, telex o anomang komunikasyong papalabas sa bansa. Kesyo raw may probisyon ang panukala na sasagutin ng service provider ang buwis, at bawal ipasa sa consumer. At kesyo raw ilalaan lahat ng makukubrang buwis para sa computer education ng kabataan. Mga palamuti lang ‘yon ng tatlong may pakana: Congressmen Danilo Suarez ng Quezon, Exequiel Javier ng Antique, at Eric Singson ng Ilocos Sur. Labag sa Konstitusyon ang pagbabawal ipasa sa customer ang operations cost ng negosyante. At kung talagang nais ng tatlo ng computer education, e di ilaan sana nila ang taunang P70-milyong pork barrel ng mga kongresista para sa proyekto.
l At bigla naman itong Land Transportation Office mag-oobliga na magkabit lahat ng sasakyan ng RFID (radio frequency identification) stickers sa windshield simula Okt. 2009. Sisingil ng P350 kada sticker, para mapabisa kuno ang pagpupulis ng LTO sa reckless drivers, smoke belchers at kolorum. Pero simple lang ang tanong: Bakit walang public bidding para sa kumpanyang gagawa ng stickers? At bakit inaapura ito ngayong malapit nang umalis ang Arroyo admin? May tong-pats na naman ba?
- Latest
- Trending