Kabig
NAGPAHAYAG ang Private Hospitals Association of the Philippines na magtataas na sila ng presyo ng service fees at laboratory fees para makabawi daw sa luging natamo dahil sa pagbaba ng presyo ng mga gamot dahil sa Cheaper Medicines Bill. Ayon sa kanila, nalulugi sila nang malaki dahil sa pagbaba ng presyo ng ilang gamot lang. Sa madaling salita, kumikita pala ang mga pribadong ospital sa pagbenta lang ng gamot sa mga botika nila. Tandaan na ang mga gamot ay mga pangkaraniwang binibili ng mamamayan sa mga botika sa labas, tulad ng ilang mga antibiotic, pang high-blood at diabetes. Hindi mga gamot na kadalasan ay ginagamit sa loob lang ng ospital katulad ng mga anesthesia at gamot pangsagip-buhay tulad ng epinephrine, sodium bicarbonate, o mga gamot na hindi naman sakop ng Cheaper Medicines Law.
At nagpahayag pa ang pinuno ng PHAP na ang mga pasyente ang tatamaan ng pagtaas nila ng presyo, pero wala na silang magagawa. Parang sinasabi, na tayo ang kawawa, pero kailangan nilang kumita. Ganun ka-simple. Hindi lang tinapos ang pangungusap niya. Ang gusto talaga niyang sabihin ay kailangan nila kumita, nang malaki! Pati ang DOH ay nagtataka sa pahayag ng PHAP, at nagsabi na makikipag-usap sila sa mga pribadong ospital, pero kailangan ipaliwanag nila ang kanilang gagawing pagtaas, sa pamamagitan ng pagbukas ng kanilang mga libro at ipakita ang basehan ng kanilang desisyon. Parang argumento na rin sa oil companies na ipakita ang mga libro nila para makita kung talagang nalulugi sila! Kung ganun, hindi pwedeng magtaas ng presyo ang mga pribadong laboratoryo sa labas ng ospital dahil hindi naman sila nag bebenta ng gamot, di ba? Kailangan tutukan din ng DOH ang mga ito, at baka sumakay lang sa mga plano ng mga ospital!
Pinaghirapan ng Senado at Kongreso na ipasa ang Cheaper Medicines Bill. Ilang taon din nilang pinag-aralan at binago ang naturang batas, na tinutulan nang matindi ng PHAP at pharmaceutical companies. At nang maisabatas na ito, kumilos naman bilang bawi ang PHAP. Bigay sa kanan, kabig naman sa kaliwa! Akala ko ba ang unang pahayag ng pagsumpa ng isang doktor ay “First do no harm.” Ganito ba ang ibig nilang sabihin?
- Latest
- Trending