'Umuugong po ang aking taynga'

Dear Dr. Elicaño, ako po ay matagal nang nagbabasa ng Pilipino Star NGAYON. Itanong ko lang po kung bakit laging umuugong ang aking taynga at pakiramdam ko ay may tubig. Ako po ay madalas maligo sa ilog at una ang ulo na dumadayb. Kung minsan pinapasukan ng tubig ang aking taynga. Iyon po kaya ang dahilan kaya umuugong?” —MARLON JAMOL, Marinduque

Posibleng may otitis media ka. At gaya ng sabi mo na nagdadayb ka sa ilog baka nga pinapasukan ng tubig ang taynga. Nangyayari ito kapag ang isang tumalon sa tubig ay hindi hinahawakan ang kanyang ilong. Dapat kapag lulubog sa tubig ay hahawakan ang ilong. Mas maganda kung magpakunsulta ka na sa doctor.

Karaniwan ding tinatamaan ng otitis media ay mga bata. Makadarama ng pananakit ng taynga ang sinumang may otitis media. Kung tumama sa mga sanggol, maka­darama sila ng pangangati sa bahaging apektado. Kung hindi ito magagamot maaring maging dahilan ng pagka­bingi at magkakaroon ng tinnitus o umuugong na tunog sa taynga na wala namang pinanggagalingan.

Karaniwang dahilan ng pagkakaroon ng otitis media ay ang pagkakaroon ng sipon o sinusitis. Kumakalat ang impeksiyon sa nasal passages at tumutuloy sa eustachian tubes na nakakonekta naman sa gitnang bahagi ng taynga.

Nararapat na malinis na mabuti ng dokor ang baha­ ging may impeksiyon sapagkat maaaring maging paulit-ulit ito hanggang sa magkaroon ng luga (glue ear) ang pasyente. Kapag nangyari ito sa sanggol o bata, maaari siyang mabingi.

Nararapat na bigyan ng antibiotic at external heat ang pasyente upang mawala   ang pananakit ng taynga. May mga kaso na ang anti-biotics ay hindi nagiging mabisa kaya kinakailangan na ang anincision sa ear-drum upang maalis ang nana.

Ang ganitong pamama­raan ay maka­pagbibigay ng ginhawa sa pasyente.

Show comments