EDITORYAL - Nagsasamantalang botika i-monitor ng DOH
MARAMING botika ang patuloy na nagsasamantala sa mga kawawang mahihirap na bumibili ng gamot. Sa kabila na pinaiiral na ang Cheaper Medicine Bill, patuloy pa rin ang mga may-ari ng botika sa pagbebenta ng gamot sa mataas na presyo. Balewala ang babala ng Department of Health (DOH) na sasampahan ng kaso at babawian ng lisensiya ang mga lalabag sa batas. Noong Martes (Setyembre 15) ang huling araw na ibinigay ng DOH sa mga botika para ibaba ang presyo ng mga gamot na kabilang sa inapbrubahan ni President Arroyo. Sabi ng DOH mayroon na silang natatanggap na reklamo na maraming botika ang hindi pa rin nagbababa ng presyo.
Kabilang sa 21 gamot na ibababa ng 50 percent ay ang gamot para sa high blood pressure, anti-cholesterol at para sa anti-cancer. Ayon sa DOH, meron pa umanong mga gamot na ibababa ang presyo. Noon pang Agosto 15, 2009 ipinatupad ang pagbaba ng presyo ng mga gamot at binigyan nga lang ng hanggang Setyembre 15 ang mga botika para lubusang maka-comply. Pero sa kabila na binigyan na ng palugit, marami pa rin ang sumusuway. Ayon sa report, karamihan sa mga botika na hindi sumu sunod sa 50 percent discount ay yung nasa probinsiya. Kamakalawa sinabi naman ng ilang ospital na maaari silang magtaas ng hospital bill para mabawi ang pagkalugi nila sa gamot na nasa kanilang botika.
Bago pa ipatupad ang 50 percent cut sa mga gamot, una nang nagbanta ang ilang ospital na maaari silang magdeklara ng “hospital holiday” bilang protesta sa pagbaba ng gamot. Tutol ang ilang ospital sa batas. At ngayon nga, itataas naman ang hospital bill. Talagang tutol ang ilang ospital sa batas kaya kahit ano ay kanilang gagawin.
Ang DOH ang nararapat kumastigo sa mga may-ari ng botika at ospital. Ngayon ipakita ng DOH ang kanilang pangi laban sa mga mapagsamantala. Hindi pa naman lubos na nararamdaman ng mamamayan ang Cheaper Medicine Bill ay mayron na agad silang paglaban na parang ayaw nilang makinabang ang mamamayan. Gusto nila, sila lamang ang makikinabang. Hindi naman ubra ang ganito. Dapat magtrabaho pa ang DOH para ma-monitor ang mga mapagsamantala. Hindi sila dapat mangibabaw sa bansang ito.
- Latest
- Trending