Magarbong candidates

Ang pitak na ito ay may pakialam

Sa result ng ating pambansang halalan;

Sana ang maupong pangulo ng bayan

Iaangat tayo at ang kabuhayan!

Kahi’t malayo pa nasabing eleks’yon

Mga kandidato’y kandarapa ngayon;

Sa TV at radio – anuns’yo’y maugong

At pati sa dyaryo’y lantad ang ambisyon!

Mga kandidatong di sanay sa hirap

Ay nagkakarerang gumastos sa ads;

Di sana ganito ang tumpak at dapat

Upang makilala ng bayan ang hangad!

Dapat ay naglimi mga kandidato

Bago pumalaot sa pag-aanuns’yo;

Sayang ang salaping inuubos ninyo

Na dapat napunta sa mga proyekto!

Dito ay maraming samahang pambayan

Na ang nilalayon tao’y matulungan;

Milyun-milyong pera ay dapat nalaan

Sa naghihingalo nating Inangbayan!

Personal ang perang inyong inuubos

Pero hindi dapat na tumapong lubos;

Parang yagit itong sumama sa agos

Kung hindi naukol sa maraming kapos!

Sana ang ginugol ng mga candidates

Ay idinonasyon sa samahang civic:

Sa mga kilusang hahango sa hapis

Sa Gawad Kalinga at Proyektong Pasig!

Kayong kandidato’y kilalang-kilala

Nitong sambayanan na mayayaman na –

Ano’t inuubos ang sariling pera

Sa isang labanang ngayo’y malayo pa!

Tingnan ang sinapit ni Mr. Palengke –

Sa pag-aanuns’yo ay sige nang sige;

Nang biglang umentra anak ng bayani

Salamat na lamang kung magiging bise!

Show comments