Pera at kapangyarihan

PERA at kapangyarihan ang nananaig sa panahong ito ng mga Arroyo. Naglabasan ang mga isyu tungkol dito. Lumabas ang desisyon ng Ombudsman na nagsasaad na wala raw basehan na dapat isabit si First Gentleman Mike Arroyo sa kaso ng NBN-ZTE deal. Nagulat ang sambayanan sa desisyon ng Ombudsman.

Si Ombudsman Merceditas Gutierrez ay kaklase sa Ateneo ni FG. Oo nga at malapit ang dalawa subalit mara­mi ang nag-akala na baka naman makukunsensiya ang Ombudsman lalo na’t may witnesses na magpa­patunay na si FG ay may kinalaman sa kaso.

Mali ang kanilang akala sapagkat sa halip na si FG Arroyo ang madikdik sa kaso, pinakawalang-sala. Ang kinasuhan ay mga taong nagbulgar sa nakakarimarim na korapsiyon na kung matutuloy ang transaksiyon ay lalong magpapalubog sa Pilipinas at magpapayaman naman sa ilang mga makapangyarihang tao sa gobyerno.

Hindi pa nawawala ang pagbatikos sa masaganang hapunan ni Mrs. Arroyo, ito na naman ang balita sa pag-bili ng mga mamahaling bahay sa isa sa mga mararang- yang lugar sa San Francisco, USA ng mga anak nina GMA na sina Rep. Mike Arroyo at Rep. Dato Arroyo.

Ano ba ito? Hindi na yata isinaalang-alang ng mga na­mumuno ang ating bansa. Para bagang sinusunod na lamang ng mga nasa taas kung ano ang kanilang gusto kahit na makakasama sa taumbayan at sa bayan. Kese­hoda tayo sa kanila.

Kung gusto nilang magpayaman, sige lang sila kahit ano pa ang sabihin ng taumbayan. Ganito ang nakikita ng marami ngayon sa ating bayan. May magagawa ba ang taumbayan?

Show comments