AKO, si Presidente Erap, ang aming panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at ang buong pamilya Estrada ay nakikiramay sa pagpanaw ni Iglesia Ni Cristo Executive Minister Eraño “Ka Erdie” Manalo.
Si Ka Erdy, panglimang anak ni INC founder Felix Y. Manalo at Honorata de Guzman, ay ganap nang pinagpahinga ng Panginoon sa edad na 84.
Sa pamumuno ni Ka Erdy at kanyang anak na si Deputy Executive Minister Ka Eduardo Manalo, ang INC ay lalo pang lumago.
Ibayo pa nilang isinulong ang vision, misyon at mga adhikain ng INC para sa pagpapalaganap ng mga aral ng Panginoon hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba pang mga bansa. Milyon ang miyembro ng INC na binubuo ng 102 nasyunalidad na nasa mahigit 5,400 local congregations sa 90 bansa, at patuloy pang dumarami at lumalawak. Lalo ring pinatingkad at isinabuhay ng INC ang aral tungkol sa pagmamahal at pagtulong sa kapwa tao laluna sa mga naghihirap.
Si Ka Erdy ay dakilang lider. Ang magaganda at kapuri-puring katangian ni Ka Erdy ay pinatutunayan ng libong tao na pumipila sa Central Temple ng INC sa Commonwealth Avenue, Quezon City upang maki ramay at masilayan sa huling pagkakataon ang namayapang lider.
Isang malaking karangalan para sa pamilya Estra-da na naging malapit na kaibigan namin si Ka Erdy at buong INC.
Paalam, Ka Erdy. Mahal ka namin, at hindi ka namin malilimutan.
Sa mga gustong lumiham kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, ipadala ito sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin na hindi tinutugunan ng tanggapan ang mga solicitation letter.