MARAMING nagpapanggap na pulis, sundalo, katulong at kung anu-ano pa, para makagawa ng krimen. Noong Linggo, mga bodega sa Pasig at Quezon City ang nilo-oban ng mga armadong tao na nagpanggap na pulis. Nilimas ang bodega. Pati pera at cell phone ng mga gu-wardiya ay tinangay din.
Napakadali kasing makabili ng uniporme ng sundalo at pulis. Pumunta ka lang ng Santolan sa tapat ng Camp Crame at maraming tindahan na nagbebenta ng uniporme ng sundalo at pulis. Puwede pa ngang magpasadya ng kahit anong uniporme. Naaalala ko noon, ipinagbawal na muna ang pagsuot ng mga itim na uniporme katulad ng gamit ng SWAT dahil may mga sindikatong nagsusuot nito at nagnanakaw sa ilang mga negosyo. Mahirap nga naman masabi kung tunay o peke ang pulis o sundalong kumakatok na sa pinto mo. Kahit mga marurunong tumingin ay naloloko na rin. Sa aspetong ito, tanging ang mga pulis at sundalo na lang ang makapagbabantay ng kanilang mga hanay.
Dapat siguro may ID na katangi-tangi lang sa pulis at sundalo, na hindi basta-basta makokopya o maga-gaya, at pinaaalam sa publiko. Sa ibang bansa, mahig-pit ang pagbantay sa mga uniporme ng pulis at sundalo, at may mga ID na mahirap gayahin kung sakaling hindi nakauniporme.
Pero sa totoo lang, kapag may kumatok sa ating pinto na pulis o sundalo, di ba tayo kakabahan kahit mga tunay na pulis ang mga ito? Paano natin malalaman kung mga tunay na pulis nga o hindi? At kung hindi naman natin pinapasok o inasikaso, ano naman ang gagawin sa atin? Imahe pa rin ng pulis at sundalo ang dapat nilang asikasuhin. Dapat mabalik ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan, nang hindi na matakot kapag may kumakatok na sa pinto.
Eh ano naman ang gagawin sa mga kriminal na nagpapanggap na pulitiko?