Kinaladkad daw sa isang malaking eskandalo ang mag-watot na Cayetano matapos madiskubreng pinabayaan daw nila ang mga proyektong inisponsoran sa Taguig at iniwang nakatiwangwang ito.
Naku ha!
Totoo kaya ito?
Dismayado umano ang mga residente ng Taguig sa mag-watot na sina senador Alan Peter Cayetano at Taguig Congresswoman Laarni ‘Lani’ Cayetano dahil sa kabiguang tuparin ang mga ipinangakong proyekto, simula ng maupo sa Kongreso ang dalawa.
Totoo kaya ito?
May six unfinished projects umano ang inireklamo ng mga taga-Taguig laban sa Cayetano couple, sa pangunguna ng General Parents-Teacher Association (GPTA) tungkol sa konstruksyon ng school building dahil tatlong (3) taon ng nakatiwangwang o naka-tengga ito.
Ilan lamang sa unfinished projects inirereklamo ng mga taga-Taguig at miyembro ng GPTA ang construction ng 5-storey building sa Diosdado Macapagal National High School sa GHQ St. burungoy este mali Barangay pala Katuparan, maging ang auditorium sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) Taguig-Campus sa Brgy. Upper Bicutan.
Bakit kaya?
Noong 2005, sa panahong nakaupong Congressman si Senador Alan Peter Cayetano, sinimulan umano ang construction ng 2-storey classroom building kaya lang up to now, tanging dalawa (2) sa sampung (10) silid-aralan lamang umano ang naitayo at hindi rin magamit ng mga estudyante dahil walang bubong ang gusali.
Sabi nga, kawawang mga pobreng alindahaw.
Maliban sa nakatiwangwang na 5-storey classroom building, iba pang unfinished projects ni Rep. Cayetano ang eskuwelahan sa C.P Sta. Teresa Elementary School sa Brgy. Bagumbayan; Ricardo P. Cruz Elementary School sa Brgy. Lower Bicutan; Eusebio C. Santos Elementary School sa Brgy. Wawa; at Taguig Elementary School sa Brgy. Sta Ana.
Napag-alaman pang isang palapag lamang ang ipinagawa ng mag-asawang Cayetano sa C.P Sta. Teresa Elementary School gayong 3-storey building ang ipinangakong proyekto sa mga residente, patunay ang malaking karatula at mukha ng mag-asawang mambabatas naka-paskil dito.
Ano may kodak pa?
Ngayon taon, nagawa pang mangako ni Rep. Cayetano ng 2-storey building sa Eusebito C. Santos Elementary School at nakaraang buwan lamang diumano sinimulan ang proyekto kung saan apat (4) na kuwarto lamang ang nakumpleto at natigil pa ang konstruksyon kung kaya’t pinamamahayan ng lamok ang naipong tubig dito.
Ika nga, buhay politika.
Totoo kaya ito?
Habang ang Taguig Elementary School, ito’y pinangakuan ng anim (6) na classroom o silid-aralan ng mag-watot Cayetano kaya lang hanggang ngayon hindi pa natatapos at nakatiwangwang ang gusali, katulad din sa auditorium ng PUP-Taguig Campus kung saan dalawang (2) taon ng nakabitin ang proyekto.
Sir/Mam, bukas ang kolum ng mga kuwago ng ORA MISMO, para sagutin ang mga sinasabing reklamo ng inyong mga constituent.
Abangan.