BUMILI ng isang lote sa isang esklusibong subdivision (MLEP) sa Cebu ang magkapatid na Marta at Pamela. Humingi sila ng permiso sa homeowner’s association (MLPAI) ng subdivision upang makapagpatayo sila ng bahay. Inaprubahan ang kanilang aplikasyon noong Pebrero 10, 2002 kaya’t agad na inumpisahan ang konstruksiyon.
Nagkaproblema nang mag-inspeksyon ang MLPAI. Napag-alaman na nilabag ng magkapatid ang alituntunin ng asosasyon tungkol sa pagtatayo ng “multi-dwelling”. Sinulatan ng MLPAI ang magkapatid at pinababago ang itinatayong istruktura. Kung hindi sila susunod ay mababalewala ang binayad nilang construction bond at magbabayad pa sila ng penalty.
Ipinilit ng magkapatid na wala silang nilabag na alituntunin. Ayon naman sa MLPAI, ang pagkakaroon ng pangalawang kuntador ng tubig at ang pagtatayo ng dalawang hiwalay at esklusibong entrada ng bahay ay sapat na ebidensiya ng paglabag ng magkapatid.
Para matapos na lang ang usapin, nagsampa ng kaso sa korte ang magkapatid upang pigilin ang MLPAI sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO) at injunction sa pakikialam nito sa ginagawang bahay. Ipinawawalambisa rin nila ang alituntunin ng MLPAI na nakasaad sa articles at by-laws nito tungkol sa pagbabawal sa multi-dwelling.
Sa mosyon ng MLPAI, ibinasura ng korte ang kaso. Ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) daw ang may orihinal at esklusibong kapangyarihan na humawak sa kaso.
Kinuwestiyon nina Marta at Pamela ang nangyari. Labas daw sa kapangyarihan ng HLURB ang hinihingi nila. Tama ba ang magkapatid?
MALI. Tama ang korte nang ideklara nito na HLURB ang dapat humawak sa kaso. Hindi ang pangalan ng reklamo kundi ang nilalaman nito ang magpapatunay kung anong korte ang dapat humawak sa kaso.
Ang HLURB ang may kapangyarihan sa ganitong mga usapin. Dati, ang pamamahala sa homeowner’s association ay nasa Securities and Exchange Commission (SEC). Nilipat ito sa Home and Insurance Guaranty Corporation (HIGC) sa ilalim ng EO 535 at pagkatapos ay sa HLURB (RA8763).
Sa ilalim ng batas, ang anumang usapin na may kinalaman sa condominium o subdivision ay hawak ng HLURB. Ang ahensiyang ito ang magdedeklara sa karapatan ng mga sangkot sa kaso. Tulad na lang sa kasong ito ang gustong mangyari ng magkapatid ay mapawalang-bisa ang alituntunin ng MLPAI. Ngunit hindi naman sila nagbigay ng anumang legal na batayan kung bakit wala itong bisa. Ibig lamang nilang mapawalang sala sa paglabag ng nasabing alituntunin kaya ang HLURB ang magdedesisyon kung talagang may paglabag na ginawa ang magkapatid sa pagpapatayo ng bahay (Maria Luisa Park Association Inc. vs. Almendras, G. R. 171763, June 5, 2009).