NAGPALAMON ng marangyang hapunan si Quezon Rep. Danilo Suarez sa Washington nu’ng wedding anniversary nina Gloria at Mike Arroyo. Inamin ni Suarez na umabot nang $15,000 (P750,000) ang steak at alak sa party sa Bobby Van’s Steakhouse. Anang Malacañang si Leyte Rep. Martin Romualdez naman ang sumagot ng mas marangyang kainan sa Le Cirque sa New York City. Umabot sa $20,000 (P1,000,000) ang chit dahil umorder si Arroyo ng mamahaling wine pansabay sa caviar sa anniversary party.
Bakit nagpapakain ang dalawa nang gan’un kama- hal? Simple. May hinihingi sila sa gobyerno, at si Arroyo ang makapagbibigay nito.
Umuutang si Suarez ng P1 bilyon mula sa Development Bank of the Philippines, na pag-aari ng gobyerno. Inaapura niya na ma-release agad ang pera sa katapusan ng Agosto. Para ito sa Coco Resources Corp. kung saan isang kapatid at tatlong anak niya ang nakalistang stockholders at directors. Si Arroyo ang nag-a-appoint ng directors ng DBP board. Isang hudyat lang niya, aaprubahan ng directors — nanginginig pa — ang loan.
Tinutuligsang behest loan ang P1 bilyon. Kulang ang collateral at capital ng CRC. Gagamitin ang utang hindi lang sa power plant kundi iba pang di-nakalistang proyekto. Itinago sa corporate layering ang crony.
Si Romualdez naman ay nahaharap sa P138-milyong kaso sa Sandiganbayan. Ito’y dahil nu’ng sandaling panahon siyang naging chairman ng Equitable-PCIBank, pina-withdraw niya ang naturang pera mula sa banko nu’ng Okt. 2005. Ang P138 milyon ay interes at dibidendo ng sequestered shares ng Trans Middle East Equity, na pag-aari ni Kokoy Romualdez, tatay ni Martin at kapatid ni Imelda Marcos. Ipina-escrow ng Sandigan ang shares habang nililitis ang kasong sequestration na isinampa ng Presidential Commission on Good Government.
Dapat ay habulin ng PCGG ang P138 milyon. Ill-gotten wealth daw ito ng angkang Romualdez. Si Arroyo ang nagtatalaga ng mga opisyal ng PCGG. Isang kumpas lang niya, iaatras nila ang ano mang kaso. Ayos!