N AGKABISA na kahapon ang 50 percent cut sa ilang pangunahing gamot. Pagkaraan nang mahaba-haba ring pagtatalo, pagdedebate, pagla-lobby at “pagsusuhol” nakapanaig din ang Cheaper Medicine Bill. Ang Executive Order 821 na nilagdaan ni President Arroyo ang nagbigay hudyat para maibaba ang ilang mga pangunahing gamot. Kabilang sa mga gamot na ibinaba ang presyo ay yung para sa high blood pressure, anti-cholesterol, antibiotic, antineoplastics at anti-cancer.
Maraming kontrobersiya bago tuluyang nagkabisa ang Cheaper Medicine Bill na noong nakaraang taon pa hinihintay ng taumbayan. Ayaw gumalaw sapagkat pilit na tinututulan nang mga malalaking kompanya ng gamot. Siyempre nga naman, kapag naipatupad ang batas, mawawala na ang kanilang malaking kita. Ayon sa mga balita, ang puhunan lamang ng mga drug manufacturers sa gamot para sa hypertension ay P2 lamang.
Kabilang din sa mga tumututol sa batas ay ang ilang mga doktor din mismo sapagkat mawawalan na sila ng komisyon mula sa drug companies. Ang mga drug companies ang nagbibigay sa kanila ng libreng pasahe sa eroplano kapag nangingibang bansa. Ilang doktor din ang nagpahayag na kapag naging mura na ang gamot, mababang kalidad din siyempre ito. Ayon pa sa ilang doktor, kaya mura ang ibinibentang gamot sa India at Pakistan ay dahil gawgaw ang sangkap dito.
Pero kahit na ano pa man ang mga ginawang pagtutol, pagla-lobby at paninira, naituloy din ang 50 percent cut. Ganoon man, hindi lahat ng gamot ay naibaba ng presyo. Sabi ng Department of Health marami silang nirekomenda pero lima lang muna ang naisama sa maximum drug retail prices.
Ang kinatatakutan na lamang ngayon ay ang sinabing banta ng mga ospital na magsasagawa sila ng welga o “hospital holiday” para mapigilan ang pagbaba ng mga gamot. Katwiran ng mga ospital, kailangang maubos muna ang mga gamot na nabili na nila noon. Marami raw silang gamot na nabili sa dating presyo.
Kung ganito ang banta ng ilang ospital, dapat ngayon pa lamang ay maging mapagmanman ang DOH. Kastiguhin agad ang mga ospital. Huwag hayaang malagay sa panganib ang mamamayan sa balak na “welga”. Dapat din namang ireport ng mamamayan sa DOH ang mga ospital na gagawa ng kabuktutan sa kanila.