ITO ang nasasambit ng maraming Pilipino bilang pasasalamat sa mga sakripisyo at kadakilaang nagawa ni dating Pangulong Corazon C. Aquino para sa bansa.
Kahapon ng madaling-araw, kinuha na siya ng Poong-Maykapal.
Sa ordinaryong Pilipino, siya si Tita Cory.
Biyuda ng isang bayaning Pilipino, huwaran ng demokrasya sa buong mundo, unang babaeng presidente ng Pilipinas at maging sa buong Asya, idineklarang Woman of the Year ng isang pandaig digang magazine na Time. Hinatak niya ang sambayanang Pilipino sa pagkakaisa noong 1986 para maibagsak ang isang diktadura at pasistang rehimen na mahigit 20 taong naghari sa bansa. Naging simbolo siya ng unang people power revolution sa EDSA na ginaya ng iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Kahit isang babae, hindi napanghinaan ng loob si Gng. Aquino sa mga krisis na kumapit sa kanyang administrasyon noon tulad ng mga kudeta at bagsak na ekonomiyang namana niya sa rehimeng Marcos. Nanatili siyang matatag sa pamumuno sa bansa habang pinalalakas niya ang mga pundasyon ng bumalik na demokrasya.
Kahit natapos na ang kanyang panunungkulan noong 1992 at bumalik na siya sa pribadong pamumuhay, patuloy pa rin ang paggampan niya ng tungkulin bilang huwaran ng demokrasya. Sandigan pa rin siya ng mamamayan kapag may namumuong banta sa demokrasyang tinulungan niyang maibalik.
Kaya naman, mula nang mapabalita na dinapuan ng sakit na kanser si Gng. Aquino, marami ang nag-alay ng dasal, misa at nagtali ng dilaw na mga laso sa kapaligiran para sa mabilis niyang paggaling. Hindi mabilang ang mga umiyak at nabahala at sumubaybay sa kanyang kalagayan.
Pero, sabi nga ni Gng. Aquino sa isang panayam sa kanya sa telebisyon noong nakaraang taon, “Sino ba ang gustong magkasakit? Kung iyon ang nakatadhana sa akin, e di sige. Ayoko namang mabuhay nang napakatagal. Sabi ko nga, 75 na ako, tama na iyon.”
Kasabay naman ng pagluluksa ngayon ng buong sambayanang Pilipino, namumutawi pa rin sa kanilang puso ang pasasalamat nila kay Gng. Aquino. Salamat, Tita Cory. Hindi ka malilimutan ninuman.