TATLONG tenors na madalas nagsasama sa concert — Luciano Pavarotti, Placido Domingo at José Carreras — ang naghahari sa mundo ng musika. Pero hindi dati gan’un. May kakaibang istorya sila.
Sa Spain matindi ang away ng mga Catalanes, na nais kumawala sa saklaw ng Madrileños. Marami nang napatay sa hangad na awtonomiya ng Cataluña, at pagkontra ng Madrid. Nagkataong Madrileño si Domingo, at Catalan si Carreras. Sa tindi ng pulitika naging magkaaway sila nu’ng 1984. At dahil kapwa sila sikat, kaya nilang isingit sa kontrata na aawit sila sa kundisyong wala ang isa.
Nu’ng 1987 nakatapat si Carreras ng mas matinding kaaway: Leukemia. Magastos at masakit ang buwanang bone marrow transplants at blood transfusions sa USA. Hindi makapag-trabaho si Carreras, nasimot ang inipon. Mawawalan na siya ng pag-asa nang matuklasan ang foundation sa Madrid na tumutustos ng pagpapagamot sa mga leukemic. Salamat sa tulong ng Hermosa Foundation, nagapi ni Carreras ang sakit. Nakabalik siya sa pag-awit at sa dating kasikatan.
Bilang pagpapasalamat, pinasya ni Carreras suma- pi sa foundation. Laking gulat niyang malaman, nang binabasa ang by-laws, na ang founder at pinaka-mala-king tagapondo pala nito ay si Domingo. Nabalitaan din niya na sadyang tinatag ni Domingo ang foundation para tulungan siya. Pero itinago ito sa kanya para hindi siya mag-atubiling magpagamot.
Mas nakakaluha ay nu’ng sa wakas ay mag-enkuwentro sila sa concert ni Domingo. Ginulat ni Carreras ang umaawit na si Domingo nang umakyat siya sa entablado, lumuhod, humingi ng tawad at labis na nagpa-salamat. Itinayo siya ni Domingo at niyakap. At doon nagsimula ang matinding pagkakaibigan, pagmamahalan, at pagtutulungan.
Minsan tinanong ng reporter si Domingo kung bakit niya pinagamot ang kaaway at kaisa-isang karibal sa kasikatan sa Spain. Simple’t direkta ang sagot niya: Malaking kawalan sa atin ang tinig na kagaya niyan.”