Parens patriae
KARANIWANG tanawin ngayon ang mga menor-de-edad na bumibiyahe abroad na kung hindi man nag-iisa ay may kasabay na hindi nila magulang. Sanhi ito ng broken families o pamilyang pinaghiwalay ng pagkakataon tulad ng OFWs. Dala ng pangangailangan at pagtitipid, puwersadong lumipad ang mga bata nang hindi nasasamahan ng ama’t ina.
Siyempre, ang ganitong sitwasyon ay takaw abuso. Mga mag-asawang hindi na magkasundo, nag-uunahan sa pagpuslit ng anak patungong abroad. Mga child prostitution ring, child adoption rackets at maski ang mga human organs and body parts syndicates ay malayang nakapagpapalipad na walang perwisyo. Mga batang madaling magtiwala – anong mga kababalaghan ang nagaganap dala ng kanilang pagkamusmos?
Kaya’t ginawang patakaran ang pagkuha ng travel clearance mula sa DSWD bago payagang bumiyahe ang mga menor de edad. Mahigpit ditong kinikilatis kung mayroong written consent ang magulang ng bata. Con todo rekisitos – birth certificate, passport, marriage certificate, recent photo at kailangang ang magulang mismo ang mag-apply at kukuha nito.
Siyempre, kapag may ganitong “hassle” na patakaran, kultura na ng Pinoy ang humanap ng short cut. Kaya nag lipana ang mga fixer. Ang modus operandi ay ikinukuha nga ng clearance subalit galing naman sa mga social welfare and development offices ng mga pamahalaang lokal. Ang ganitong klaseng “local” clearance ay hindi tinatang-gap ng Bureau of Immigration dahil tanging ang DSWD National Office mismo ang may specially trained social workers na kuwalipikadong humusga sa sitwasyon.
Nagbabala tuloy sa publiko si DSWD Sec. Esperanza Cabral na huwag patulan ang mga nag-aalok ng areglo sa travel clearance requirement. Tanging ang DSWD sa kanilang regional offices ang may kapangyarihang magbigay nito. Sinegundahan din ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan at sinigurong lalong hihigpitan ang pagsuri ng mga clearance bago pasakayin ang pasahero.
Obligasyon ng Estado sa ilalim ng prinsipyo ng parens patriae o magulang ng bansa ang protektahan ang mga sektor na hindi mapagtanggol ang sarili tulad ng mga menor-de-edad. Hindi karaniwang trabaho kung di pagmalasakit na ang ginagawa nina Sec. Cabral at Comm. Libanan. Nawa’y tularan ng iba pang public servant ang ganitong kultura ng pagliilingkod.
Sec. Cabral at Comm. Libanan
GRADE: Ina at Ama ng Kabataang Pilipino
- Latest
- Trending