Panawagan kay Gen. Verzosa (2/Last Part)

LUMUTANG nga ang isang police major mula sa MPD-Station 11 at sinabihan ang mga pulis na umaresto kay Jimmy Chua na i-release ito. At alam n’yo ba ang sinabi ng police major? Alam na raw ito ni Manila Mayor Alfredo Lim, Caloy Bal­tazar, Tony Duda at Col. Jalili! Sabi pa umano ng major, ha­hantong lamang daw sa walang katuturan kung itutuloy ang asunto kay Chua dahil mga fake viagra lang naman ang kanilang nakumpiska.

Dahil natakot ang mga umarestong pulis sa dami ng “padrino” napilitan silang i-release si Chua. Pinapirma naman nila ang major bago pinakawalan ang Intsik. Pinag­tawanan lamang ni Chua ang mga pulis habang papalabas ito sa opisina.

Ang pinakamasakit, makalipas ang ilang linggo, sumabog sa media ang eskandalo. At sila pang mga pulis ang pina-relieve sa puwesto. Kaya ngayon, hilong-talilong sila sa kaiisip kung sino ang lalapitan upang maibalik sila sa kanilang unit.

Ganyan kalupit ang “arbor system” sa kapulisan na dapat tutukan ni PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa. Kung patuloy ang ganitong kalakaran sa PNP, tiyak tatamarin ang mga pulis na maghabol ng mga kriminal.

Katulad noong nagdaang Miyerkules ng gabi, isang tawag ang aking natanggap sa isang hindi nagpa­kilalang espiya. May hinuli umano ang nagpa­patrulyang pulis (Mobile Car 318) na mga Chinese looking sa San Miguel Road corner Muelle dela Industria St, Binondo. Sa paunang asunto,lumalabas na wa­lang lisensya ang driver na si Wong Dong Zhi habang mina­maneho ang puting Mitsubishi L-300 na may plakang NSI-312.

Siyempre procedure na ng mga kapulisan na tingnan ang kargamento nito at natuklasan ang 23 karton at plastic bags ng mga pekeng Lacoste at Louie Vitton kaya dinala sa MPD headquarters sa tanggapan ng General Assignment Section (GAS). Naging masalimuot din ang mga kaganapan, dahil dalawang opisyal din ang tumawag at lumutang sa GAS para arborin sina Wong Dong Zhi, Susan Ong at Noli Poyaon. Hindi ko lang po alam kung magkano ang atik na ini-offer ng da­lawang opisyal para palayain ang mga akusado. Ngunit nag­matigas ang mga imbestigador ng GAS kaya na-inquest ang tatlo sa piskalya. Sa ngayon, umiikot ang tumbong ng mga taga-GAS sa takot na baka balikan sila ng dalawang ganid na opisyal. Hindi ko muna babanggitin ang mga pangalan ng ­ganid dahil baka makasira sa pag­­­dinig ng kaso ng mga Tsekwa. Ano kayang kaha­hantungan ng mga pulis sa GAS na nag­pursige sa kaso. Abangan!


Show comments