KARANIWANG kapag nasa huling State of the Nation Address (SONA) ang Presidente, nagpapaalam na siya sa mga nakikinig sa kanya. Pagkatapos ireport ang mga nagawa sa kanyang administrasyon, ilalahad na niya ang pamamaalam at iniiwang malinaw sa lahat ang kanyang tiyak na paglisan. Isinasara na niya ang mga agam-agam at kung anu-ano pang mga isipin. Hindi na pagdududahan pa ang kanyang pananatili. Gaya ng ginawa ni dating President Corazon Aquino noong July 22, 1991 na huli niyang SONA. Malinaw na inihayag ni Cory ang pasasalamat at kasunod ay ang pamamaalam sa mga tagapakinig at sa sambayanan. Wala siyang iniwang agam-agam o anupamang pagdududa.
Taliwas naman ito sa ikasiyam at huling SONA ni President Arroyo kahapon na maligoy at pag-iisipan ng pagdududa. Oo nga at sinabi niyang walang mangyayaring term extension pero ang inaasahan nang marami ay ang kanyang pamamaalam. Pero walang narinig sa kanya. Sa halip sinabi niyang “At the end of this speech I will step down from this stage, but not from the Presidency. My term does not end until next year. Until then, I will fight for the ordinary Filipino. The nation comes first. There is much to do as head-of-state to the very last day.”
Masyadong maligoy para sa isang karaniwang mamamayan ang mga pahayag na ito. Ano ba ito? May nabubuhay na agam-agam na maaaring hindi nga at maaaring totoo na hindi bababa sa puwesto ang Presidente. Masyadong matalinghaga na dapat sana ay tahasan niyang sinabi na hindi na siya tatakbo at kasunod ay namaalam na siya. Pero wala ngang narinig na pamamaalam. Walang malinaw na iyon na nga ang kanyang huling SONA.
Bababa raw siya sa entablado subalit hindi sa pagiging presidente dahil ang kanyang termino ay hanggang sa susunod na taon. Ano ba ito? Ano ang ibig ipahiwatig ng mga pahayag na ito na parang may kasunod pang mga mangyayari sa loob ng 10 buwan na nalalabi sa kanyang panunungkulan. Sa loob ng isang oras na SONA ay sinabi ni Mrs. Arroyo ang lahat ng mga nagawa niya sa loob ng siyam na taon.
Subalit mas naging katanggap-tanggap sana ang SONA kung inihayag niya ang pamamaalam at hindi na naging maligoy. Kung ginawa niya iyon, marami na ang makahihinga nang maluwag at wala nang magdududa.