ITINATAG kamakailan ang Oriental Peninsula Foundation, na nagnanais tumulong sa mga mahihirap na tao sa Antipolo City at Espanola, Palawan. Nitong taon, 3 medical at surgical mission na ang isinagawa ni Ms. Caroline Tanchay, ang presidente ng Oriental Peninsula Resources.
Noong Marso 2008, halos 600 mahihirap na pas- yente ang natulungan namin sa loob ng isang araw sa Barangay Mayamot at Barangay Cupang, Antipolo City. Ang mga libreng gamot, giveaway at mga pagkain ay umabot sa halagang P150,000.
Ngayong Septyembre 14, isinagawa namin ang pangalawang mission na nakatulong sa 800 pasyente sa loob ng isang araw. May kasama kaming 12 doktor, 20 fire volunteers at 20 tauhan mula sa Pasay Filipino-Chinese Charity Health Center.
Mas marami pa ang mga gamot at natulungan nga-yon. Masaya si Ms. Caroline sa pagtulong sa mahihirap. Bakas sa mukha ng mga pasyente ang kasiyahan dahil sagana sila sa mga gamot at regalo pag-uwi nila.
Surgical mission sa Palawan
Bukod dito, may isa pang kakaibang surgical mission ang isinagawa ni Ms. Caroline. Nagpadala siya ng 2 dalubhasang surgeons at 5 nars para mag-opera ng libre sa mga taga-Palawan. Tatlong araw itong surgical mission sa munisipalidad ng Sofronio, Espanola.
Nakapag-opera sila ng 64 na pasyente. Kasama sa mga operasyon na isinagawa ay ang pagtanggal ng mga bukol sa suso, lipoma, hemangioma, cysts at mga sugat na hindi gumagaling. Lalo na ngayong napakamahal magpagamot, malaki ang maitutulong ng Oriental Peninsula Foundation sa iba nating kababayan.
Malaki ang sakripisyo at perang inilabas ni Ms. Caroline para magpalipad ng mga dalubhasang manggagamot mula sa Maynila patungo sa Palawan.
Ani Ms. Caroline, “Kulang sa doktor at mga kagamitan pang-kalusugan doon. Sa susunod, mas maraming doktor ang ipapadala ko sa Palawan para makatulong tayo sa halos isang libong pasyente roon.”
Sana ay dumami pa ang biyaya kay Ms. Caroline para magtuloy-tuloy din ang kanyang mabubuting adhikain.